Palaisipan pa sa pulisya ang pagkakilanlan ng isang lalaki na sinaksak at natagpuang patay sa isang eskinita sa Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles sinabing wala nang buhay ang isang lalaking biktima na may mga saksak sa dibdib, leeg, at sa kili-kili.

Natagpuan ang hindi pa nakikilalang lalaki ng mga residente sa madilim na eskinita sa Barangay Gulod sa Novaliches.

Nakilala lamang sa alyas Cris and biktima na nakasoot ng itim na sando at grey na shorts.

May mga tattoo ang biktima sa kaliwang dibdib na may nakasaad na mga pangalang Karl, Joseph, at Maricel.

Bukod sa cellphone, wala umanong nakuha na mapagkakilanlan ang biktima na ayon sa mga taga-barangay ay hindi residente sa lugar.

Inaalam pa ng pulisya kung sino ang nasa likod ng pananaksak.  Hindi pa rin umano malinaw ang posibleng motibo sa krimen. —LBG, GMA Integrated News