Timbog ang isang nagpakilalang TNVS driver matapos siyang ireklamo ng pangmomolestiya ng isang 17-anyos na babae na kaniyang naging pasahero sa Pasay City.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing dinakip ng pulisya ang nagpakilalang TNVS driver sa may bahagi ng EDSA Kamias nitong Lunes.
Ayon sa pulisya, una raw sumakay ang biktima sa isang taxi pero bumaba dahil sa sobrang mahal ng singil na P800 para sa biyaheng Seaside Boulevard papuntang Taft.
Kasunod nito, hinintuan ng suspek ang biktima, at nagpakilala raw ang driver na TNVS.
Noong nakasakay na ang menor de edad, sinabihan siya ng driver na magmemetro na lang dahil mura lang naman.
Napapayag daw ang biktima na sa harapang passenger seat umupo malapit sa driver.
Habang nasa biyahe, dito na nangyari ang pang-aabuso umano.
"Minomolestiya na siya. Kinakausap siya, pinatanggal sa kaniya ang mask at sinabihan siya na 'Maganda ka pala.' Hinipuan siya," sabi ni QCPD District Director Brigadier General Nick Torre.
Hindi na raw nakapalag ang biktima dahil sa takot. Ibinigay din daw nito ang social media messaging nang hingin ng suspek.
Nang makakuha ng tiyempo, bumaba ang biktima at agad nagsumbong sa pulis na kaniyang nakita.
Nahuli ang suspek nang padalhan siya ng biktima ng mensahe sa Messenger na muli silang magkita. Nang dumating siya sa lugar, naghihintay na sa kaniya ang mga awtoridad.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News