Gutom at pagod ang hinarap ng ilang pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos ang kanselasyon ng libo-libong flights dahil sa pansamantalang pagsasara ng Philippine airspace kasunod ng aberya sa air traffic system noong Linggo.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, inihayag ng overseas Filipino worker (OFW) na si Vergel Villamor ang kaniyang pagkadismaya dahil sa halos sampung oras na paghihintay.

"Galing po ako sa bansa na Istanbul… Na-stress na po ako sa kakahintay. Haba ng pila,” sabi niya.

Kabilang sa mga apektado ng aberya ang ilang dayuhan na nagbabakasyon sa bansa.

Ayon sa datos ng Manila International Airport Authority (MIAA), aabot sa 65,000 na pasahero ang naapektuhan ng kanselasyon ng mga flight.

Bagaman naibalik na ang operasyon sa paliparan, 75 flights pa rin ang kinansela nitong Lunes at aabutin pa umano ng halos tatlong araw para maibalik sa normal ang operasyon sa NAIA.

Halos 300 flights naman ng Philippine Airlines, Air Asia at Cebu Pacific ang naapektuhan ng kanselasyon noong Linggo, ayon sa kanilang advisories.

“Binibigay pa rin natin sa pasahero natin more than above sa itinatalaga ng air passenger bill of rights so binigyan natin sila ng pagkakataon or option to either i-rebook ang kanilng flights sa pinakamalapit na schedule or iconvert nalang to credit account yung kanilang mga flights,” ayon kay Air Asia Spokesperson Carlo Carongoy.

Sa ilalim ng Air Passenger Bill of Rights, may karapatan ang mga pasahero na maapektuhan ng force majeure o hindi inaasahang pangyayari tulad ng sakuna at infrastructure failure na mabawi ang kanilang ibinayad sa pamasahe.

“Puwede ho silang mag-file ng kanilang hinaing sa civil aeronautics board (CAB)…’yun pong CAB ang mag assess kung talagang may merit at kung magkano yung dapat maging compensation,” Civil Aviation Authority of the Philippines Spokesperson Eric Apolonio said.

Patuloy na nakikipag-ugnayan ang Department on Transportation (DoTr) sa mga airline companies at airport officials para sa maayos na pagbabalik ng mga pasahero. Bubuksan din umano ang NAIA runways buong araw para sa nakatakdang maintenance.

“Sabi namin sa mga airlines, kung pwede mag operate sila ng mga additional flights or mag-upgrade sila ng mga aircraft…Gawin nilang mas malaki maraming seats para ma-accommodate natin ang maraming pasahero,” said DoTr Secretary Jaime Bautista.

Samantala, nagpaabot naman ng tulong ang Department of Migrant Workers sa halos 3,000 OFW na naapektuhan ng flight cancellations.--Sundy Mae Locus/FRJ, GMA Integrated News