Nais malaman ng mga kaanak ng rider na nasawi matapos umanong tumulong sa mga pulis na habulin ang gun-for-hire suspect sa Quezon City kung sino talaga ang nakabaril sa biktima. Ayon sa kapatid ng rider, sa likod umano nagmula ang tinamo nitong tama ng bala.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing dalawang pulis na sangkot sa operasyon ang isasailalim sa imbestigasyon sa pagkamatay ng biktimang si John Dale Salazar.
Nasawi si Salazar noong Biyernes nang magpaputok umano ng baril ang hinahabol nilang suspek na si Richmond Dalisay.
Ayon kay Quezon City Police District Police Brigadier General Nicolas Torre III, pinasakay umano ni Salazar ang pulis para kabulin ang tumatakas na suspek.
Pero sabi ng ama ng biktima na si Jun, hindi dapat isinama ng mga pulis ang kaniyang anak sa ginawang operasyon.
"Puwede niyang kunin yung motor, kahit mawasak 'yang motor hindi na niya dapat isinama yung anak ko," ayon sa ama.
Sinabi naman ng kapatid ng biktima na si Faith, na sa likod nagmula ang tama ng bala sa John Dale na tumagos sa dibdib.
"Kung may hinahabol sila, nasa harapan yung hinahabol. Bakit ang tama ng kapatid ko sa likod?," tanong niya.
Ayon kay Torre, isasailalim din sa ballistic examination ng mga baril ng mga pulis, at magsasagawa ng paraffin test para alamin ang nagpaputok ng baril.
Napatay sa follow-up operation si Dalisay.(READ: Lalaking gun-for-hire umano, patay sa engkuwentro sa mga pulis sa QC; TNVS rider, nasawi nang barilin ng suspek)
Sa cellphone na nakuha sa suspek, may video umano rito na makikita ang ginawang pagpatay sa mga biktima nito.
Kabilang umano si Dalisay sa isang grupo ng mga gun-for-hire, at tinutugis na kaniyang mga kasamahan. --FRJ, GMA Integrated News