Matapos ang pagdiriwang ng Pasko ng ilang kababayan sa Rizal Park o Luneta sa Maynila nitong Linggo, maraming basura naman ang nakitang nagkalat sa lugar.
Hile-hilera ng basura ang nakitang naiwan sa kalsada, ayon sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita ng GMA Integrated News nitong Lunes.
Isa si Mang Rolando sa mga mangangalakal na matiyagang hinalukat ang mga basura at inayos ito para dadakutin na lang ng mga basurero.
Kapag may pakinabang pa ay itinatabi niya ang mga napulot niya.
Ilan sa mga naitabi ni Mang Rolando ang mga karton, plastic cups at plastic bottles.
Maibebenta raw ng P3/kilo ang mga karton, P16/kilo ang mga plastic cup, at P18/kilo ang mga plastic bottle.
Ang kikitain naman niya sa pagbebenta ng mga ito ay malaking tulong daw sa pangkain nila sa araw-araw.
Nitong Lunes inaasahang hahakutin na ng mga garbage truck ang mga basura.
Nitong Linggo, Araw ng Pasko, 43,000 na ang naitalang bumisita sa Luneta bandang alas-dos ng hapon.
Ayon naman sa Ecowaste Coalition, maaari pang i-recycle ang ilang mga nagamit sa Pasko tulad ng mga gift wrapper at Christmas cards.
Ang mga gift wrappers daw ay puwedeng gawing cover ng libro at notebook, DIY paper crafts, at pangsiksik sa mga babasagin.
Puwede naman daw gawing bookmark ang mga Christmas cards.
Hinikayat ng Ecowaste Coalition ang mga mamamayan na maging malikhain para hindi na maitapon pa sa landfill ang mga puwede pang pakinabangan. —KG, GMA Integrated News