Patay ang isang lalaking hinihinalang gun-for-hire nang makipagbarilan sa mga pulis matapos siyang hindi tumigil sa checkpoint sa Quezon City. Ang suspek, nakapatay pa ng TNVS rider na humabol sa kaniya.
Sa ulat ni Katrina Son sa "24 Oras Weekend" nitong Sabado, kinilala ang suspek na si Richmond Mallari Dalisay, na duguan at napatay sa police operation nitong tanghali sa Barangay Baesa.
Bago nito, hindi huminto ang suspek sa checkpoint sa Barangay Bahay Toro nitong Biyernes kaya hinabol siya ng pulisya.
Ilang rider ang tumulong para habulin si Dalisay, pero nagpaputok ito ng baril.
Sapul ang rider na si John Dale Salazar, na nasawi.
Ayon sa director ng Quezon City Police District na si Police Brigadier General Nicolas Torre III, may nakasalubong ang suspek na motorsiklo na kaniyang inagawan. Habang hinahabol ng mga pulis ang suspek, may isang TNVS rider ang nagmagandang loob na humabol sa suspek pero nabaril.
Nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad para matunton ang salarin.
Natagpuan ang suspek sa bahay nito. Sinubukang makipag-ugnayan ng mga kagawad at mga opisyal ng barangay kay Dalisay, pero wala itong tugon.
Nagpaputok umano ng baril ang suspek at nakipagbarilan sa mga awtoridad.
Patuloy ang ginagawang follow-up operation ng mga awtoridad para matunton ang iba pa niyang kasamahan.
Habang gumugulong ang imbestigasyon, nabawi ng QCPD ang cellphone na gamit umano ng suspek, kung saan makikita ang video ng kaniyang aktwal na pagbaril sa kaniyang mga biktima. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News