Nadakip ang tatlong Tsino na dawit umano sa pandukot at pagbebenta sa babaeng biktima sa POGO, na ibinunyag kamakailan sa Senado. Ang isa sa mga suspek, suspek din pang-aabuso sa isang dayuhan na nasagip din kamakailan.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing isiniwalat ni Senadora Grace Poe sa kaniyang privileged speech nitong Disyembre 14 ang kidnapping at human trafficking umano sa isang babae, na ibinenta kalaunan sa isang POGO company na may operasyon sa Cavite.
Pinakawalan lamang ang babae nang tubusin ng kaniyang bayaw sa halagang P250,000. Gayunman, marami pa ang mga biktimang nanghihingi umano ng tulong.
Matapos nito, agad nagsagawa ang mga awtoridad ng operasyon laban sa mga suspek base sa sasakyang ipinakita ng senadora.
Nadakip ang tatlong Chinese, na tinuturong dumukot at nagbenta sa biktima sa POGO company, sa isinagawang follow-up operation ng Pasay City Police. Nakuha sa kanila ang dalawang baril at isang granada.
Tumangging magbigay ng pahayag ang mga suspek.
Ayon sa District Director ng SPD na si Police Brigadier General Kirby John Kraft, nanghihikayat ang mga suspek ng mga kapwa nila Tsino na magtrabaho sa POGO company at inaalok nila ng malaking halaga para lumipat sa kanilang kumpanya.
Sa likod nito, ibinibenta ng mga suspek ang kanilang mga biktima sa POGO company.
Nadiskubre pa ng Pasay City Police na isa sa mga suspek ang nang-abuso sa Cambodian na nailigtas noong Agosto 23.
Makikita sa CCTV ang suot niyang sapatos nang tumakas, na kaparehas sa suot niyang sapatos nang madakip.
Ayon naman kay NCRPO chief Police Major General Jonnel Estomo, umuwi na ang naturang dayuhan sa ibang bansa. Pero nagsagawa pa rin ang kapulisan ng operasyon at nakuhanan ng baril at granada ang suspek.
Lumalabas pa na hindi nagsumbong sa lokal na pulisya o sa anumang awtoridad ang biktima.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News