Arestado ang dalawang sundalo at isang dating miyembro ng Citizen Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) na mga suspek umano sa panghoholdap sa isang gasolinahan sa Balangiga, Eastern Samar.

Sa ulat ni John Consulta sa "24 Oras" nitong Huwebes, mapapanood sa CCTV na nagbibilang ang kahera ng gas station pasado 8 p.m. nitong Martes, nang dumating ang tatlong armadong lalaki suot ang kanilang mga bonnet.

Hinabol ng isa sa kanila ang naka-duty na gasoline boy samantalang pumasok ang isa sa counter ng cashier.

Bago nito, makikita sa CCTV na mabilis na itinago ng kahera ang ilan sa pera sa ilalim ng kaniyang t-shirt.

Sabay-sabay nagsitakasan ang mga salarin nang makuha na ang kanilang pakay na pera.

Nagkasa agad ang Eastern Samar Police ng operasyon at nahuli sa checkpoint ang tatlong suspek.

Para hindi makilala sa pagtakas, gumawa pa ng paraan ang mga suspek tulad ng pagpapalit ng kanilang mga damit at sumbrero.

Gayunman, nabosesan sila ng mga biktima at natandaan ang kanilang mga mata.

Nabawi mula sa tatlo ang isang silencer at tatlong .45. Ang isa ay issued firearm ng AFP, habang loose firearm ang dalawa.

Patuloy na inaalam kung sangkot din ang mga suspek sa mga serye ng robbery-holdup sa ibang bayan sa Samar.

Sinisikap pa ng GMA News na makuha ang pahayag ng mga suspek, na nahaharap sa reklamong robbery at illegal possession of firearms.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News