Dahil sa dami ng mga online order ngayong Kapaskuhan, hindi maiiwasan na hindi dumating sa tamang oras o masira ang mga biniling regalo. Ano nga ba ang karapatan ng mga buyer sa mga ganitong insidente?
Sa Kapuso sa Batas sa "Unang Hirit," ipinaliwanag ni Atty. Gaby Concepcion ang sino mang may obligasyon na siguruhin ang delivery ang dapat managot sa pagka-delay sa goods and services.
Bukod sa tamang oras, dapat na nasa maayos ding kondisyon o hindi basag o sira ang biniling item.
Kung established o kilala ang seller, malinaw dapat na nakalagay sa kontrata o web page o site ang tungkol sa kanilang pananagutan.
Dati nang naglabas ng joint circular ang Department of Trade and Industry, Department of Health at Department of Agriculture na hinihimok ang e-sellers na dapat klarong nakalagay ang lahat ng terms at conditions ng pagbenta at pagbili, delivery restrictions, exchange policies, cancellation at refunds, para makagawa ng informed purchase ang consumer.
Kung magkaroon ng fortuitous event o hindi inaasahang pangyayari tulad ng baha, strike o pinigilan ito ng Bureau of Customs at walang kasalanan ang seller o shipper, dapat itong panagutan ng seller o shipper.
Kung kilala rin ang seller at ang naghatid ang may kasalanan, ang seller na ang hahabol sa nagde-deliver.
Kung bayad na ng consumer ang item pero nawala ang package, maaari siyang humingi ng reimbursement, dahil pareho lamang ang karapatan ng online buyer sa karapatan ng isang buyer na namili sa isang pisikal na tindahan.
Dapat lang na ibalik ang pera kung bayad na ang item, kung saan ang seller ang dapat managot kung mawala ang isang gamit.
Kung mawala ang item bago dumating sa buyer, ang may-ari na siyang seller ang mananagot dahil "ownership passes upon delivery." —VBL, GMA Integrated News