Sugatan ang isang 64-anyos na negosyante sa Malabon City matapos siyang pagsasaksakin umano ng kaniyang helper sa loob ng tindahan nang hindi niya naibigay ang sweldo nito.
Ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Huwebes, hindi bababa sa siyam na saksak ang tinamo ng biktimang si Edgardo Manggay, na duguang lumabas ng tindahan at pumara ng tricycle para magpadala sa ospital.
Sa pagresponde ng mga barangay tanod, nakita nila sa tindahan na duguan din ang kamay ng 22-anyos na helper.
Pinosasan at dinampot nila ang tauhan, pero hindi na ito makalakad kaya binuhat na nila patungo sa barangay hall.
Nagpapagaling sa Tondo Medical Center ang biktima pero nasa maayos nang kalagayan, base sa kaniyang kapatid. Gayunman, isa sa mga saksak ay tumama sa kaniyang baga.
Sinubukan ng GMA Integrated News na makapanayam ang suspek, pero hindi ito sumagot sa mga tanong at tila tuliro, naninigas ang mga kamay, at hirap makalakad.
Gusto ng kaanak ng biktima na sumailalim sa drug test ang suspek, bagay na maaari namang gawin, ayon sa pulisya.
Nahaharap na ang suspek sa reklamong frustrated murder. —Jamil Santos/KBK, GMA Integrated News