Nanlambot ang isang mag-asawa matapos nilang matagpuan sa kanilang Christmas tree ang isang Boomslang, na siyang pinakamakamandag na ahas sa South Africa, lalo't kasama nilang nagkabit ng mga dekorasyon ang kanilang mga anak.

Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing katatapos lang magkabit ng pamilya ng dekorasyon nang matuklasan ang makamandag na ahas.

Ayon sa pamilya, kaduda-duda ang kilos ng kanilang mga pusa bago nila nadiskubre ang ahas.

"We were admiring our work when my wife Marcela pointed to our two cats and said she thought there might be a mouse in the tree as they were staring at it," sabi ni Rob Wild, may-ari ng Christmas tree.

"Marcela went to have a look and moved a bauble and saw a snake's head staring straight back at her," dagdag ni Wild.

Dahil dito, agad tumawag si Rob sa kaibigan niyang snake catcher at hinuli ang apat na talampakang ahas.

Sinabi ng snake catcher na si Gerrie Heyns na mas nakamamatay pa ang Boomslang kaysa mamba at cobra.

Nanlambot ang mag-asawa, dahil kasama nilang magdekorasyon ang mga anak nilang edad 11 at anim na taong gulang.

"A lot of people believe that a boomslang has to bite you on the small area because they cannot open their mouth. But these ones open their mouth like 170 degrees and can bite you full on your chest," sabi ni Heyns.

Maaaring makaranas ng internal at external bleeding ang isang taong makakagat ng Boomslang. Gayunman, mas mabagal kumalat ang kamandag nito kumpara sa iba pang mga ahas.

Sinabi ng mga eksperto na "extremely peaceful" ang mga Boomslang at hindi tumutuklaw kung walang nakikitang panganib. —LBG, GMA Integrated News