Kahit wala raw duda sa ngayon para magduda ng foul play, dalawang tanong ang gustong masagot ng Muntinlupa Fire Department sa nangyaring sunog sa Barangay Putatan nitong Linggo na 10 magkakaanak ang nasawi sa sunog na nakontrol naman agad sa loob lang ng 30 minuto.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News “24 Oras” ngayong Lunes, sinabing isasailalim sa awtopsiya ang labi ng mga nasawi at nais din nilang masuri ang recording ng CCTV sa loob ng bahay.
Ayon sa Bureau of Fire Protection-National Capital Region public information office, umabot lang sa first alarm ang sunog sa Larva Street, Bruger Subdivision dakong 9:02 a.m.
Idineklara itong fire under control ng bandang 9:25 a.m. at fire out na pagsapit ng 10:25 a.m.
“May mga question eh. Bakit ganoon kabilis namatay lahat niyan? Wala ba kayong paraan para mai-rescue?” saad ni City Fire Marshall Fire Superintendent Eugene Briones.
Tinatanong din ng BFP kung bakit walang nakapansin sa sunog kahit na maraming tao ang nasa loob ng bahay.
“Alas-nuwebe ng umaga para hindi nila ma-notice kaagad. Pero dahil nga sa circumstances, sa inisyal na narinig natin na nagsimba nga ito, maaaring pagod, nagpapahinga sila. Kaniya-kaniyang room at maaaring may nag-develop na sunog dito sa area ng sala, dining, kitchen,” ani Briones.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng BFP, galing sa Simbang Gabi ang pamilya at naghahanda na ng agahan nang magsimula ang sunog.
May dalawang fire exits ang bahay pero pareho raw hindi nagamit ng pamilya para makaligtas.
Malaki umano ang maitutulong ng recording ng CCTV camera sa loob ng bahay sa gagawing imbestigasyon.
Bagaman nasunog ang aparato, buo pa raw ang hard drive ng CCTV camera na pinoproseso na ng mga IT expert ng BFP.
Ayon kay Briones, fire hazard ang nasunog na bahay na itinayo noong 1980s.
“Masyado siyang puno ng gamit. Tapos ‘yung ceiling niya medyo mababa sa tingin namin. Parang kulob na kulob siya. Kaya papatayin ka talaga ng usok,” dagdag pa niya.
Hanggang 45 days daw ang aabutin bago mabuo ang imbestigasyon sa naturang sunog, ayon pa sa ulat.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News