Nagdadalamhati ang mga kaanak ng sampung indibidwal na nasawi sa isang malagim na trahedya sa Muntinlupa City nitong Linggo ng umaga.
Matatandaang sumiklab ang sunog sa isang residential area sa Barangay Putatan bandang 9 a.m.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News “24 Oras Weekend,” maririnig ang malakas na pag-iyak at pag-sigaw ng miyembro ng pamilyang Ladia.
“Nanay, gumising ka na!” sigaw ng isang kaanak.
Tanghali nang isa-isang inilabas ang mga labi ng sampung biktima, kabilang dito ang isang sanggol na nakabalot pa ng kumot nang isakay sa sasakyan ng punerarya.
Kinilala ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang mga nasawi na sina:
- Claire Ladia, 65 anyos
- Virgilio Ladia, 68 anyos
- Mark Gil Ladia, 39 anyos
- Cherry Ladia, 19 anyos
- Jerome Ladia, 19 anyos
- Leandro Jose Ladia, 15 anyos
- Emmanuel Ladia, 12 anyos
- Cherise Angela Ladia, limang buwang taon
- Ana Ladia, 33 anyos
- Amatheus Ladia, 16 anyos
Isa lang ang nakaligtas sa trahedya na kinilalang si Virginia Caoili, 86, lola sa tuhod ng pamilya.
Ayon sa BFP-National Capital Region public information office, umabot sa first alarm ang sunog sa Larva Street, Bruger Subdivision dakong 9:02 a.m.
Idineklara itong fire under control ng bandang 9:25 a.m. at fire out ng dakong 10:25 a.m.
“Ang ikinamatay talaga nila ay asphyxia by suffocation. Nag-attempt sila, makikita natin ang isang pamilya sa second floor may mga sugat-sugat pa siya sa katawan,” ayon kay City Fire Marshall Fire Superintendent Eugene Briones.
“Ibig sabihin nag-attempt silang makalabas nataon na naka-grills ang mga bintana nila kaya hindi sila makalabas at hindi rin makababa sa ground floor kasi ‘yung origin of fire natin sa ground floor napalakas,” dagdag pa ni Briones.
Sabi ni Briones, galing raw sa Simbang Gabi ang pamilya at naghahanda na ng agahan nang magsimula ang sunog.
“Ayon sa ating mga imbestigador parang nagluluto kasi may mga ginayat na carrots, repolyo, parang nagluluto sila,” aniya pa. “Ang cause of fire ay patuloy pa natin iniimbestigahan.”
May dalawang fire exits ang bahay pero pareho raw hindi nagamit ng pamilya para makaligtas.
“Itong bahay naman na ito may dalawa siyang bintana na openable, de-kandado lang siya. Kailangan natin ituro talaga sa lahat ng kasamahan natin sa bahay saan makikita ang susi.
“Pina-practice rin natin na buksan ‘yun paminsan-minsan. Mamaya nag-stock-up na, kinalawang na hindi na pala nabubuksan,” aniya pa.
Ayon sa ulat, main door na lang ng bahay tanging bukas na labasan pero naunahan na rin ng makapal na usok ang mga biktima.
Kung maisasalba ang recording ng CCTV na nasa hard drive, pwede sana itong pumuno ng ibang detalye sa imbestigasyon sa sunog.
Isasailalim din sa autopsy ang mga nasawi para matiyak ang kanilang ikinamatay, dagdag pa ng ulat. — Mel Matthew Doctor/BM, GMA Integrated News