Muling nakatanggap ng radio challenge ang supply boat ng Philippine Navy mula sa Chinese Coast Guard sa bahagi ng West Philippine Sea.
Sa ulat ni Carlo Mateo sa Super Radyo dzBB nitong Linggo, kinumpirma ni Major Cherryl Tindog, tagapagsalita ng Western Command ng Armed Forces of the Philippines, ang nasabing radio challenge.
Gayunman, sinabi ni Tindog na sa kabila ng radio challenge mula sa CCG vessel, nakumpleto pa rin ng Philippine Navy ang resupply mission noong December 17 para sa mga tropang nagmamando ng BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Ika- 11 resupply mission ng Philippine Navy sa bahagi ng West Philippine Sea, nakatanggap ng radio challenge mula sa China Coast Guard. | via Carlo Mateo pic.twitter.com/VVLYdRNzhm
— DZBB Super Radyo (@dzbb) December 18, 2022
Sa isang pahayag, sinabi ng WESCOM na ang radio challenge ay naglalaman ng mga katagang “under the jurisdiction of the People's Republic of China," ang dagat kung saan malapit ang barko ng Pilipinas, at pinahintulutan nila ito na maghatid ang mga suplay.
Pero nagbanta na ibang usapin ang pagdadala ng construction materials.
Kasunod nito, binanggit din ng WESCOM ang pagbuntot ng CCG vessel at pag-maniobra malapit sa Philippine supply boat.
"These radio challenges would always be followed by CCG's shadowing and close maneuvers against Philippine supply boats to try to disrupt the mission," sambit ng WESCOM.
"The Philippine supply boats, on the other hand, would respond and proceed to their planned route despite the challenges," dagdag pa nito.
Samantala, muling sinabi ni WESCOM commander Vice Admiral Alberto Carlos ang kahalagahan ng BRP Sierra Madre, na nagsisilbing pinakamalapit na outpost ng bansa sa military garrison ng China sa Mischief Reef.
"The Mischief garrison is in our country's exclusive economic zone and is China's closest military facility to Palawan. That is why resupply missions are critical in maintaining our presence in Ayungin,” giit pa ni Carlos. — BM, GMA Integrated News