Kahit tatlong beses na raw siyang tinangkang itumba sa loob ng New Bilibid Prison (NBP), nangako ang inmate na si Rodel Tiaga na hindi siya aatras sa pagsisiwalat ng katotohanan sa pagkamatay ng ilang high profile inmates na pinaniniwalaan niyang sadyang pinaslang at hindi dahil sa sakit na dulot ng COVID-19.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing bumalik si Tiaga sa Site Harry ng NBP kasama ang mga tauhan ng Death Investigation Division ng National Bureau of Investigation (NBI), kaugnay sa ginagawang pagsisiyasat sa pagkamatay ng convicted drug lord na si Eugene Chua.
Sa Site Harry dinadala ang mga preso na nagpositibo sa COVID-19. Ayon sa Bureau of Corrections (BuCor), namatay umano si Chua dahil sa sakit na dulot ng virus.
Ilan pang high pro-file inmates ang namatay dahil umano sa COVID-19.
Pero ayon kay Tiaga, sadyang pinaslang si Chua, at nasaksihan niya ito.
Nagsagawa ng ocular inspection sa Site Harry ang mga tauhan ng NBI. May ilan pang bilanggo na dumating sa lugar at kinuhanan din umano ng pahayag ng NBI.
Itinuro ni Tiaga kung saan dinadala ang mga inmate na may COVID-19, at kung saan idinadaan ang mga katawan nito kapag namatay.
Bukod kay Chua, namatay din sa lugar dahil din umano sa COVID-19 ang convicted drug lord din na si Amin Buratong.
Pero ayon Tiaga, nakausap niya bago mamatay si Buratong at tila naghihinala na rin ito sa nangyayaring sunod-sunod na pagkamatay ng mga kapuwa nila bilanggo.
“Tol, bakit may mga inilalabas diyan na cadaver bag? Ang sagot sa akin ni Amin, ‘Eh saan manggagaling 'yan eh tayo-tayo lang naman ang nandito?,'" kuwento ni Tiaga.
" Sa tuwing may kukunin sa isolation, hindi na nakakabalik pero ang sabi nila inililipat lang doon sa aircon na isolation na wala naman,” patuloy niya.
Bukod kina Chua at Boratong, ilan pa sa mga high profile inmates na nasawi umano sa COVID-19 mula noong May hanggang July 2020 ay sina Shuli Zhang, Benjamin Marcelo, Sherwin Sanchez, Willy Yang, at Jaybee Sebastian.
Ayon kay Tiaga, nais niyang mabigyan din ng hustisya ang mga pinaslang na inmate.
Una niyang sinabi na pinatay sa pamamagitan ng pagsupot sa ulo si Chua.
“Sinamantala lang nila 'yung pandemya na 'yan sa pagpatay ng mga inmate na talaga namang para lang manok kung patayin. Gusto ko magkaroon ng hustisya 'yung mga pangyayari. 'Yung pagkamatay ng mga kasama ko sa Site Harry...," ani Tiaga.
"Wala sir. Walang atrasan. Hanggang sa dulo haharapin ko 'yang mga 'yan,” pangako niya.
Ayon naman sa NBI, patuloy ang ginagawa nilang pangangalap ng katibayan.
“Ipagpapatuloy natin ang pangangalap ng ebidensya. Mag-i-interview tayo ng mga maaaring may nalalaman at kukunan natin ng statements. At 'yung pag-ocular inspection kanina, kasama 'yan sa ating pagsisiyasat,” sabi ni NBI Deputy Director Jojo Yap. --FRJ, GMA Integrated News