Nasunog nitong Miyerkoles ng gabi ang dalawang magkatabing pagawaan ng mga kasangkapan sa Novaliches, Quezon City.

Iniulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes na sumiklab ang sunog sa Barangay San Agustin maghahatinggabi.

Mabilis umanong tinupok ng apoy ang magkatabing pagawaan ng mga furniture at nadamay din ang katabing opisina ng isang trucking company, tindahan ng LPG, at bakery.

Umabot sa unang alarma ang sunog na naapula matapos ang halos isang oras, ayon sa ulat.

Walang naiulat na nasaktan sa sunog. Inaalam pa ang halaga ng pinsala sa ari-arian. —LBG, GMA Integrated News