Kasunod ng pagbunyag ng isang person deprived of liberty (PDL) sa sadya umanong pagpatay sa isang high-profile inmate sa New Bilibid Prison (NBP), nagbanggit siya ng tatlong pangalan sa National Bureau of Investigation.
Nitong Martes, sinabi ni Rodel Tiaga na hind nasawi sa COVID-19 si Eugene Chua na dinala sa Site Harry o pasilidad sa NBP kung saan dinadala ang nagpositibo sa COVID-19.
Sa ekslusibong ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkoles, sinabing personal kinuhanan ng pahayag si Rodel Tiaga ng mga ahente ng NBI-Death Investigation Division (NBI-DID)
Ipinakita rin ng ahensya kay Tiaga ang video ng kanilang ocular inspection sa Site Harry.
Tatlong beses daw niyang nakitang dumalaw sa Site Harry ang nagngangalang Zulueta, Danny at Mendoza.
Sa ikalawang beses ng kanilang pagdalaw, narinig raw nit Tiaga na pinag-uusapan ng tatlo ang mga high- profile inmates sa Site Harry dahil tatlo hanggang limang metro lang daw ang layo niya sa mga ito.
Ayon kaya Tiaga, nag-iwan ang isa ng bilin bago sinabing, "Para masabi ko kay DG."
Nang tanungin kung kilala niya ang sinasabing DG, “’Yung panahon pong ‘yun, wala naman pong ibang director general kundi si Bantag.”
Bagamat hindi malinaw kung sino ang tinutukoy niyang Zulueta, malapit na tauhan ni suspended suspended Bureau of Corrections director general Gerald Bantag si Jail Officer Ricardo Zulueta.
Paniwala ni Tiaga, sinapit rin ng iba pang high profile inmates na dinala sa Site Harry noong kasagsagan ng pandemya ang nakita niyang pagsaklob ng plastik kay Chua.
“’Yung pagkamatay ng mga kasama ko sa Site Harry, hindi si COVID talagang pinatay ‘yun… Eh kung mayroon man pong mamatay sa sinasabi nilang COVID, ako ‘yun, mga kasama ko kasi sabi nila positive ako eh. Sabi nila iyon negative, negatibo ibig sabihin walang COVID, eh bakit namatay?” giit pa niya.
Kabilang si Chua sa walong high-profile inmates ng Bilibid na iniulat ng NBP na nasawi dahil umano sa COVID-19.
Pero itinuturing ng NBI na kahina-hinala ang pagkamatay nila Francis Go, Shuli Zim Zhang, Jimmy Ang, Eugene Chua, Benjamin Marcelo, Sherwin Sanchez, Amin Boratong at Willy Yang.
Namatay sila ilang araw lang ang pagitan sa isa’t isa simula May 28, 2020 hanggang June 17, 2020 sa loob ng NBP.
Sabi ng NBI noong July 5, 2022, namatay ang mga high-profile inmates ilang raw lang matapos ilipat sa mga isolation rooms.
“Significant amount of time elapsed before the victims were brought to the nearest hospital. All the deceased PsDL were declared dead on arrival, the cause of death either by cardiac or pulmonary arrest,” saad ng NBI.
“However, a close examination of the medical profile of the deceased high-profile PsDL generally revealed that days before they died, they exhibited neither chronic symptoms of COVID-19, including difficulty in breathing or shortness of breath, nor were they observed to be weak or particularly ill. Witnesses had seen them well, normal, or lively,” dagdag pa nit.
Noong July pa inirekomenda ng NBI-DID ang paghahain ng walong counts of murder pero hindi sa mga tauhan sa BuCor kundi laban sa 22 tauhan ng National Capital Region Police Office na bantay raw ng pasilidad noong pandemya.
Dagdag pa ng NBI, “They availed the situation that in case of COVID-19 cases, cadavers should immediately be cremated. Cremation, for this case, was the final act to consummate and effectively cover-up the scheme to kill the victims.”
Samantala, sinabi naman ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla kailangan pa rin daw suriin ang testimony ni Tiaga.
“Evidence gathering pa rin ‘yan. We will test the testimonies if they are strong enough to hold-up with the court. So we can file appropriate cases. Dapat ‘yan aktuhan natin ‘yan ng nararapat sa batas. And make people responsible for their acts. Para hindi na maulit… nobody has the right to play God,” ani Remulla.
Sinusubukan pa rin kuhanan ng pahayag si Bantag at si Zulueta. —Mel Matthew Doctor/NB, GMA Integrated News