Hindi raw nasawi dahil sa COVID-19 ang ilang high-profile inmate na sinabing nagkasakit sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) dahil sinadya raw silang patayin.
Kabilang sa mga ito ang isang convicted drug lord na nasawi umano dahil sa atake sa puso kaugnay ng COVID-19.
Sa ekslusibong ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras”, isinalaysay ng isang person deprived of liberty (PDL) na si Rodel Tiaga ang tunay na sinapit ng ilang high profile inmate na sinabing namatay umano COVID-19 sa Bilibid.
“Natakot ako, sir. Iniisip ko na ‘yung nangyayari sa kanila pwedeng mangyari sa akin,” saad ni Tiaga nang sunduin siya ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa NBP.
Ayon sa ulat, nagtatrabaho si Tiaga sa tinatawag na Site Harry o lugar kung saan dinadala ang mga PDL na nagpositibo sa COVID-19.
Kasama sa dinala sa naturang lugar ang convicted drug lord na si Eugene Chua.
Sa death certificate ni Chua, nakasaad na namatay siya noong June 2, 2020 dahil sa cardiopulmonary arrest na ang underlying cause ay COVID-19.
Pero iba ang kwento ni Tiaga at nakita niya raw ang totoong nangyari.
“Lona na ginawa lang siyang supot. ‘Yung isa nakahawak sa tali ‘yung isa naman nakahawak du’n sa supot, ginanon kay Eugene hatakan silang dalawa hanggang sa bumagsak si Eugene du’n sa harap nila,” ani Tiaga.
Nang matapos ang ginawa kay Chua, binanggit din ni Tiaga na pinaghugas daw siya ng plastik na ginamit kay Chua.
“Ang cleaner po ang nagbigay sa akin eh. Sabi niya ‘Del pakihugasan mo ito.’ Hinugasan ko po du’n sa public CR. Mayroon kasi du’n na tub na nandoon ang hugasan. Iniisip ko nga sir baka ito ang gamitin sa akin,” dagdag pa ni Tiaga.
Nang tanungin kung bakit ngayon lang siya naging handa na sabihin ang lahat sinabi niya, “Alam naman natin na noong panahon nila Bantag eh talaga naman siguro kung magsasalita ka isa hanggang dalawa, eh talaga naman ipapanganib ng buhay mo. Ngayon sir, kumbaga payapa.”
Hinihingan pa ng reaksyon si suspended Bureau of Corrections director general Gerald Bantag ukol sa mga pahayag ni Tiaga.
Magiging bahagi ang mga sinabi ni Tiaga sa ginagawang imbestigasyon ng NBI sa pagkamatay noon ng high profile inmates, ayon sa ulat.
Bukod kay Chua, kasama sa mga high profile inmates na namatay umano sa COVID-19 sa Bilibid noong 2020 ay sina Jaybee Sebastian, Francis Go, Willy Yang, Benjamin Marcelo, Zhang Zhu Li, Jimmy Kinsing Hung, Ryan Ong at Amin Buratong. —Mel Matthew Doctor/NB, GMA Integrated News