Nasugatan ang isang babaeng senior citizen matapos siyang maatrasan ng isang kotse na tila pangkarera sa Dapitan, Maynila. Ang driver, humarurot lang at hindi tinulungan ang biktima matapos ang insidente.
Sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, mapapanood sa CCTV ng Brgy. 471 ang pagsalpok ng sasakyan sa biktima sa harapan ng isang gasolinahan.
Bago nito, naglalakad ang senior citizen sa tabing kalsada nang daanan siya ng kotseng may pula at itim na kulay, customized at nakadetalye na tila pangkarera.
Lumampas ang sasakyan, gumilid at tumigil saglit, bago nagsimulang umatras at doon na niya natamaan ang biktima.
Nang umabante ang kotse, makikita sa video ang senior citizen na nakahandusay na sa kalsada.
Sa iba pang kuha ng CCTV ng barangay, makikitang humaharurot palayo ang kotse at lumiko sa isang kanto, kahit naka-green light ang mga paparating na sasakyan.
Nagawang makatayo ng biktima ngunit kailangan niyang isugod sa ospital.
"Ayoko ng sorry lang, hindi lang ganu'n 'yung ginawa niya. Gusto kong mahuli siya eh. Sumuko na siya," anang biktima.
Naniniwala ang pamunuang barangay na madaling matutunton ang kotse dahil sa kakaiba nitong disenyo, kahit hindi madaling makita ang plaka sa CCTV.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News