John Amores sa sulat ni VP Sara: Sa dami ng bashers ko, may nagpaalala na mahalaga ka
Nakatanggap ng isang sulat na naglalaman ng words of encouragement si John Amores mula kay Bise Presidente Sara Duterte, sa gitna ng mga pinagdadaanan niya ngayong pagsubok.
Ito ang ibinahagi ng dating JRU Heavy Bomber sa kaniyang Facebook post nitong Lunes.
"Remember the lesson not the mistake, you have a friend from the Office of the Vice President," sabi raw sa kaniya ng Bise Presidente.
"It’s my pleasure receiving this kind of gesture from our Dearly VP Sarah Duterte ??" tugon naman ni John. "It was a great honor Mam thank you for those words of encouragement ??"
"Ipapa-frame ko 'to as a remembrance na sa dami ng bashers at negative critics [ko], may isang tao na ipapaalala sa'yo na mahalaga ka kahit 'di mo kaano-ano," dagdag pa ng basketbolista.
Nahaharap si Amores sa reklamong physical injuries na isinampa nina Jimboy Pasturan at Taine Davis, na dalawang manlalarong nasaktan nang mag-amok si Amores sa laban ng JRU kontra De La Salle-College of Saint Benilde noong Nobyembre 8.
Inalis na rin si Amores sa JRU basketball team and athletics program, at suspendido rin sa NCAA dahil sa kaniyang mga aksyon habang nasa laro.
Humingi na ng paumanhin sa mga manlalaro ng Benilde sa kaniyang pagbisita sa kanilang practice.
"I won't lose hope, somewhere in between in the darkest season of my life there’s still a light," sabi ng basketbolista.—LDF, GMA Integrated News