Bumuo ng special panel ang World Boxing Council para pag-aralan ang mga pahayag ng retiradong boxing referee na si Carlos Padilla tungkol sa naging laban ni Pambansang Kamao Manny Pacquiao at Australyanong si Nedal Hussein noong 2000.
Sa ulat sa "24 Oras" nitong Huwebes, ang pagbuo ng special panel ay ginawa matapos sabihin ni Padilla na tinulungan niya si Pacquiao sa pamamagitan ng mga paborableng hakbang sa naturang laban tulad ng pagpapabagal ng bilang nang mapabagsak ni Hussein si Pacquiao sa Round 4.
Sinabi rin ng pangulo ng WBC na si Mauricio Sulaiman na may natanggap silang sulat mula umano sa anak ni Padilla na si Suzy.
Sa liham na naka-post sa website ng WBC, sinabi ng panganay na anak ni Padilla na may edad na ang kanilang ama na 88-anyos na ngayon.
Dahil second language lang niya ang Ingles, posible raw na ma-misinterpret ang mga naging pahayag nito.
Aniya pa, disente at marangal na lalaki ang kanyang ama na inilaan ang kanyang buhay sa larangan ng boxing.
Humihingi rin siya ng konsiderasyon para kay Padilla na aniya’y naging malaki ang kontribusyon sa boxing community.
Nauunawaan daw ni Sulaiman ang pagsulat ng anak ni Padilla. Sa ngayon, susundin daw muna nila ang proseso at hindi na rin muna magbibigay ng komento ang WBC. — Mel Matthew Doctor/VBL, GMA Integrated News