Patay ang dalawang police asset matapos pagbabarilin ng suspek na target sa buy-bust operation sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao Del Norte.

Ang mga biktima, nabisto umano ng kanilang katransaksyon kaya pinagbabaril.

Sa ulat ni Jestoni Jumamil ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkoles, kinilala ang dalawang biktima na sina alyas Tox at Uji.

Ayon sa pulisya, nagpanggap ang dalawang police asset bilang mga poser buyers sa ginawang buy-bust operation bandang 9 a.m. noong Lunes sa Barangay Margues.

Nabisto ng mga suspek na awtoridad ang kanilang katransaksyon sa kotse kaya agad silang pinagbabaril.

Parehong nagtamo ng mga tama ng bala ng baril sa ulo ang mga biktima gamit ang 9 mm pistol.

“Nag-operate po ang regional special operations persons group… nag-conduct po ng buy-bust operation. And then ‘yung poser buyer po nagkabistuhan sa sasakyan at du’n nag-kabarilan sa loob mismo,” saad ni DOS Municipal Police station chief Police Lieutenant Nelson Madiwo.

“‘Yung suspek po na nagbebenta ng droga pinagbabaril niya ‘yung asset natin. So patay on the spot ‘yung dalawa,” aniya pa.

Samantala, apat ang patay habang isa ang sugatan sa magkahiwalay na pamamaril sa Cotabato City.

Dalawa sa mga namatay ay mga suspek sa nangyaring mga pamamaril, ayon sa ulat.

Nangyari ang unang insidente ng pamamaril sa pagitan ng Magallanes Street at Doroteo Street, Barangay Poblacion VI bandang 6 p.m.

Ang biktima ay isang 23-anyos na lalaki. Binaril siya ng mga suspek na sakay ng motorsiklo.

Bandang 7 p.m., isa ring biktima ang binaril malapit sa isang mall sa Barangay Rosary Heights X ng dalawang suspek pa rin na nakasakay sa motorsiklo.

Sa pangatlong insidente, biktima rin ng pamamaril ang isang empleyado ng Bangsamoro Transition Authority.

Binaril ang biktima habang nagmamaneho ng kaniyang sasakyan. Nasa ligtas na siyang kalagayan sa isang ospital, ayon sa pulisya.

Sa isang hot pursuit operation ng pulisya, naabutan ang mga suspek sa kanto ng Sinsuat at Gov. Gutierrez Avenue at dito na raw nangyari ang palitan ng mga putok.

Iniimbestigahan na ngayon ng mga awtoridad kung konektado ang tatlong magkahiwalay na pamamaril.

Sa isang pahayag, sinabi ni Cotabato City Bruce Matabalao na sinisigurado ng LGU at kapulisan ang sitwasyon.

Aniya pa, mayroong daw ilang grupo ang nagnanais na isabotahe ang seguridad sa lungsod.—Mel Matthew Doctor/LDF, GMA Integrated News