Kalaboso ang isang lalaki sa Parañaque City matapos mambastos umano ng kapitbahay na menor de edad, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes.
Inaresto ang suspek sa pinagtatambayan nitong tricycle terminal base sa reklamong panghihipo.
Ayon sa pulisya, tatlong beses daw naganap ang panghihipo sa loob ng isang linggo noong Hulyo.
Kaibigan daw ang suspek ng pamilya ng biktima.
Inamin naman ng suspek na hinipuan niya ang biktima pero itinanggi niyang tatlong beses itong nangyari.
"Sana po mapatawad niya po ako, hindi ko naman talaga sinasadya yung nangyari. Dala lang po siguro ng alak," anang suspek.
Mahaharap ang suspek sa three counts ng kasong acts of lasciviousness. —KBK, GMA Integrated News