Iniimbestigahan na ng Quezon City Police District (QCPD) ang pagkamatay ng isang motorcycle rider matapos maatrasan at magulungan ng isang 14-wheeler na kumalas mula sa humihilang forklift ng Metro Manila Development Authority (MMDA) nitong Sabado ng umaga.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa “24 Oras Weekend”, sinabing tinitignan ngayon ng pamunuan ng QCPD kung naipatupad ba ang tamang pamamaraan sa towing.
“Kung allowed ba sa industrial standards… kung ‘yung forklift ba ay pwedeng gawing pang-tow, especially ‘yung standards nu’ng ginamit na tow bar doon at pati ‘yung procedure,” pahayag ni QCPD chief Police General Nicolas Dela Torre.
“May mga redundancy dapat diyan eh, na ‘pag nahulog man ang tow bar… mayroong sasalo na mga kadena. Pero wala tayong nakitang ganoon,” aniya pa.
Iginiit naman ni MMDA acting Chairman Atty. Romando Artes na bukod raw sa pagbubuhat, ang forklift ay nakadisenyo sa towing.
“Nagpapa-review na po ako policies at safety protocols. Rest assured po na we will fully compensate po ‘yung mga naaksidente bibigyan po namin sila ng kaukulang assistance,” sambit ni Artes.
Sinabi ng Quezon City Police District Traffic Sector 4 na idineklarang patay ang 47-anyos na si Dexter Cortez ng 8:45 a.m. habang binibigyang lunas sa East Avenue Medical Center matapos magtamo ng matinding pinsala sa kanang binti.
Ayon pa sa inisyal na imbestigasyon, nagulungan ang binti ng biktima nang maatrasan ng naturang 14-wheeler truck.
Maliban sa biktima, sugatan din ang isang delivery rider na nakasunod din sa truck nang tumalon sa kaniyang motorsiklo. Nasa maayos na siya ngayong kalagayan.
Dagdag ng QCPD Traffic Sector 4, sangkot din ang isang forklift, isang Innova, isang kotse at apat na motorsiklo.
Samantala, nakakulong na ang drayber ng forklift na kinilalang si Rolando Llanera, tauhan ng MMDA road emergency group.
Sinubukan ng GMA News na kuhanan ng pahayag si Llanera pero tumanggi ito dahil masama raw ang kaniyang pakiramdam.
Siya ay mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide, physical injuries, and damage to properties. — Mel Matthew Doctor/GMA Integrated News