Patay ang isang walong taong gulang na lalaki matapos umano siyang untugin sa pader, ibalibag sa sahig, at bagsakan pa ng LPG cylinder ng kaniyang tiyuhin at live-in partner nito sa Quezon City. Ang dahilan umano ng matinding galit ng mga suspek, ang inubos na ulam ng bata.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa “24 Oras Weekend” nitong Sabado, sinabing pinagsusuntok, pinagsasampal at sinikmuraan din ng mga suspek ang biktimang si JM.
Umaga nang mangyari ang panggugulpi umano sa bata. Pero nang kinahapunan at umuwing lasing ang live-in partner ng tiyuhin ni JM, mas bumigat pa ang mga nangyaring pambubugbog sa bata.
"Binagsakan pa ng LPG sa katawan noong nakahiga ang bata. Binuhat, inuntog sa sahig, nilunod pa ang bata. Pinalabas nila, naaksidente raw sa CR dahil sa kalikutan kaya sinugod nila sa ospital," sabi ni Police Lieutenant Anthony Dacquel, investigation section chief ng Quezon City Police District Station 14.
"Sa ngayon naghihintay pa kami ng autopsy pero ang nasa death certificate niya is blood trauma to the head. Karamihan kasi puro sa ulo ang tama niya eh," dagdag ni Dacquel.
Wala ang mga suspek nang puntahan ng mga social worker sa kanilang bahay, pero nadakip din sila ng pulisya.
"Nakainom din po ako sa araw na iyon, nagdilim ang paningin ko kaya nagalit po ako doon sa bata," sabi ng live-in partner ng tiyuhin.
"Dinidisiplina lang, sinasabi ko rin naman ho sa kanila kung ano 'yung kasalanan," sabi ng tiyuhin.
Bukod dito, sinasaktan din umano ng mag-live in partner ang dalawa pang kapatid ng biktima na edad 10 at 7.
Nagpakita ang isa sa kanila ng mga sugat at inipit na kuko gamit ang pliers.
Mahigit isang taon na ang pananakit sa mga bata ng mag-live in partner, ayon sa pulisya.
"'Pag nagsumbong daw po kami makukulong sila, wala na raw pong mag-aalaga sa amin," sabi ng isa sa mga kapatid ng biktima.
Inilahad naman ng panganay na ginahasa umano siya ng partner ng kanilang tiyuhin, bagay na inamin ng suspek.
"Malaki po ang pagsisisi ko. Malaki rin ang pagkakamali ko sa nagawa ko," sabi ng partner ng kanilang tiyuhin.
Hiwalay na ang mga magulang ng bata.
OFW sa Saudi Arabia ang ina ng mga bata, na kapatid ng tiyuhing suspek. Bodegero sa Caloocan naman ang kanilang ama, na matagal nang hindi nakikita at nakakausap ang mga anak.
Nasa Isabela noon ang ama at kaniyang mga anak, nang kunin ang mga bata ng mga kaanak ng kaniyang misis para pag-aralin umano.
Sasailalim sa counseling at stress debriefing ng mga doktor ang mga bata.
Isasalang sa drug test ang mga suspek, na mahaharap sa reklamong murder, rape, at child abuse. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News