“Barya lang po sa umaga!” Karaniwang makikita itong nakapaskil sa mga jeepney bilang paalala na walang panukli ang drayber kung buo ang pera ng pasahero.
Pero kung ikaw ang drayber at makatanggap ka ng P500 sa simula ng iyong pasada, ano ang iyong magiging reaksyon?
Sa programang “Good News”, sinabing trending sa social media ang isang drayber na nagalit sa pasaherong matapos magbabayad ng P500.
Dahil dito, sumiklab ang tensyon sa pagitan nila.
“Wala kayong barya? Teh, ang aga pa. Unang ikot ko lang eh. Kahit limang piso lang o kahit sampu. Anak ng kamote… huwag ka nang maingay ate, baka sirain mo pa ang araw ko… Unang-unang biyahe, pababain kita eh,” saad ng drayber.
Lalo pang uminit ang eksena, nang subukang iabot ng drayber ang isang supot na barya sa babae upang "magtanda ito" raw ito.
“Ito po oh, panukli. Pakiabot po sa kanya. Paabot nga. Ito na para madala ‘yan si ate. Ang aga-aga P500 ang ibibigay,” diin pa ng drayber.
Ngunit, maririnig din sa video na sinabi ng na wala raw siyang pera kaya P500 ang kanyang binayad.
Gayunman, nauwi pa rin sa pagbaba jeepney ang babae dahil sa sitwasyon.
Pero bakit nga ba ganito ang reaksyon ng driver sa pasahero?
Ayon kay Dr. Camille Garcia, isang psychologist, nakakalikha raw ng “negative effect” ang ganitong insidente.
“Unang-una kapag sinabi kasing umaga tapos sasabihin natin na nagkaroon ka ng first ganitong klaseng incident, it comes to a point na parang masisira ang araw mo eh. And then kapag nagkaroon ng negative, it is an intrusion of something na ‘eh sira na ang araw ko’,” paliwanag ni Garcia.
Kaya naman, ito ang naging basehan ng team ng Good News para sa pinakabagong social experiment.
Ano-ano kaya ang reaksyon ng mga pasahero? Panoorin sa video ng Good News. —Mel Matthew Doctor/NB, GMA News