Arestado sa Sta. Ana, Manila ang isang tricycle driver dahil sa kasong attempted homicide. Depensa ng suspek, ipinagtanggol lang niya ang kaniyang sarili.
Sa ulat ni Darlene Cay sa “Unang Balita” nitong Miyerkules, sinabing inabutan ng mga awtoridad sa labas ng kanyang bahay ang suspek na si Ronald Bagaporo.
Sa bisa ng arrest warrant hinuli siya ng mga operatiba ng Sta. Ana Police Station. Ika-sampu siya sa most wanted ng nasabing istasyon, ayon pa sa ulat.
Ang biktima, ayon sa record ng pulisya, ay lalaking nangungupahan sa bahay nila Bagaporo.
“Itong biktima daw po ay lasing na pumasok doon sa kanilang tinitirhan. Nagkaroon po sila ng konting pagsalitaan at nagsuntukan. Sa hindi inaasahan, sa pagtulak niya, bumagsak ‘yung ulo nung ulo ng biktima sa pasamano,” saad ni Sta. Ana Police Station deputy station commander Police Major Geuel Capuz.
Umabot pa raw sa barangay ang kanilang alitan at kalauna’y nagsampa na ng kaso ang biktima.
Depensa naman ng ni Bagaporo, wala siyang intensyong manakit at sa katunayan siya pa nga ang nagreklamo ng trespassing sa biktima.
“Bale po pinasok niya ang bahay namin… pinagsusuntok niya na po kami, pati po ang anak ko at asawa ko po nandun kami sa loob ng bahay,” aniya.
“Inawat ko na po siya, naitulak ko na po siya dun palabas ng bahay namin. Ngayon po ‘yung pagtulak ko sakanya, madulas po sa labas ng bahay namin kaya nauntog ‘yung sa sahig po,” giit pa ni Bagaporo.
“Pinagtanggol ko lang po ang sarili ko po para lumabas po siya at hindi na makagawa ng ‘di maganda. Pero hindi ko po ‘yun sinaktan po. Hindi ko po talaga siya sinaktan,” dagdag pa niya. —Mel Matthew Doctor/NB, GMA Integrated News