Nasa 176 na bangkay ng mga persons deprived of liberty (PDL) mula sa New Bilibid Prison ang naipon na sa isang punerarya magmula pa noong December 2021. Noong nakaraang buwan ng Oktubre, umabot umano sa 50 ang tinanggap nilang bangkay kasama ang umano'y "middleman" sa pagpatay kay Percy Lapid.
Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing ang mga bangkay ay nasa Eastern Funeral Homes sa Alabang, ang nag-iisang accredited na punerarya ng Bureau of Corrections (BuCor).
Sinabi ng manager ng punenarya na si Charlie Bucani, naipon ang mga bangkay dahil walang kamag-anak na kumukuha sa mga labi.
“Natural death and then ‘yung iba subject for autopsy po. Pero tapos na rin po ang autopsy ng mga ‘yan. Halos lahat po ng namamatay sa Bilibid dito po talaga. Maliban na lang ho dun sa mga COVID cases nila. Hindi po kasi kami nag-cater ng mga namatay sa COVID. Noong time kasi ng mga namatay sa COVID, bale sila po ang nagpapa-cremate,” pahayag ni Bucani.
Noong nakaraang buwan, umabot umano sa 50 ang tinanggap na bangkay ng punerarya mula sa Bilibid. Kabilang sa mga ito si Cristito Villamor Palaña, na itinuturong middleman sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid.
Karaniwan na umaabot umano sa 50 hanggang 60 namamatay sa Bilibid ang dinadala sa kanilang punerarya.
“Katulad po ngayon, isa lang ang namatay. Kahapon isa rin. Halos isa, dalawa, ganon. Hindi naman po lahat ng araw may namamatay," paliwanag ng manager.
Samantala, pinaiimbestigahan na ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa Philippine National Police, ang mga nasabing bangkay para malaman ang dahilan ng kanilang pagkamatay.
“One of the things that surprised the investigators in this case, was the fact that when they went to Easter Funeral Homes for the first autopsy conducted by the NBI, they were surprised to see more than 30 corpses inside the funeral home," anang kalihim.
“This is now being studied by the police. And we want to know how all these people died. The cause of death and the circumstances surrounding their deaths… we can study it and maybe we can know how long this has been going on,” dagdag niya.
Ibinigay na umano ng punerarya sa pulisya ang detalye ng mga bangkay na nasa kanilang pangangalaga.
“Ang hawak lang po namin, data po. Pangalan lang nila, prison number, kung kailan po namatay at kung kailan po sila dumating sa amin,” ani Bucani.
Sa ngayon, nakikiusap ang pamunuan ng punerarya sa BuCor na ipalibing na ang mga bangkay dahil puno na ang kanilang espasyo.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News