Nadala na sa kaniyang lalawigan sa Leyte nitong Sabado ang mga labi ng umano'y middleman sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid. Ang mga kaanak nito, humihingi rin ng katarungan.
Nagtalaga ng mga pulis para sa seguridad sa bahay ng sinasabing middleman na si Cristito Villamor Palaña (na unang tinukoy bilang si Jun Villamor, ayon sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak na inilabas din sa GMA News Unang Balita nitong Lunes.
Humihingi ng katarungan ang ama ni Palaña sa nangyaring pagkamatay ng anak sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).
Si Cristito ang itinutro ng self-confessed gunman na si Joel Escorial na isa sa dalawang middlemen na sangkot sa pagplano para patayin si Lapid.
Ilang oras matapos ihayag ni Escorial ang detalye tungkol sa middleman na umano'y nakakulong, namatay si Cristito sa NBP.
Sa isinagawang awtopsiya sa kaniyang mga labi ng National Bureau of Investigation, lumitaw na nagkaroon ng pagdurugo sa kaniyang puso.
Sa sumunod na awtopsiya na ginawa ng forensic pathologist na si Dr. Raquel Fortun, lumitaw na may “history of asphyxia by plastic bag suffocation” si Cristito.
Nakita rin ni Fortun sa katawan ni Cristito na mayroon itong “pulmonary congestion, edema, and hemorrhages.”
Oktubre 3 nang barilin at patayin ng riding in tandem si Lapid, o Percival Mabasa, sa Las Piñas City habang nasa kaniyang sasakyan.
Oktubre 18, nang ipresinta si Escorial sa media matapos sumuko. Ito rin ang araw na namatay si Cristito.
Nitong Lunes, isinampa ng NBI at Philippine National Police ang mga reklamo laban sa mga sangkot sa pagpatay kina Lapid at Cristito. —FRJ, GMA Integrated News