Gumuho nitong weekend ang mahabang bahagi ng bangketa sa Makati City, dahilan para mangamba ang mga residenteng nakatira malapit doon, ayon sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Lunes.
Aabot daw sa mahigit 60 metro ang gumuhong sidewalk sa gilid ng isang creek sa Barangay Pio del Pilar nitong Sabado.
Sa kuha ng CCTV, kita ang unti-unting paghiwalay ng sidewalk sa kalsada hanggang sa tuluyan itong gumuho.
Ayon sa isang residente, napansin nila na tila humiwalay na ang sidewalk sa kalsada matapos ang Bagyong Paeng.
"Siyempre nakakatakot," anang residenteng si Ponyang, na nakatira katapat lang ng creek.
Bago pa raw ang pagguho ay ramdam na ng mga residente na hindi matibay ang bangketa.
"Pag umapak ka diyan parang umuuga," ani Ponyang.
Wala namang nasaktan sa pagguho, ayon sa mga opisyal ng barangay.
Para maiwasan ang aksidente ay nilagyan muna ng mga harang ang gilid ng creek.
Nakatakdang inspeksiyunin ng mga taga-Engineering Department ng Makati City government ang lugar ngayong Lunes. —KBK, GMA Integrated News