Kinumpirma ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na may idinepositong ng P550,000 sa account ng self-confessed gunman na si Joel Escorial sa pagpatay kay Percy Lapid, ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Sabado.
"Kahapon, yung report ng AMLC, nilabas din nila na 'yung sinabi ni gunman Escorial ay very accurate. Nandoon talaga 'yung P550,000 deposit within a certain amount of days," sabi ni Remulla sa panayam sa Dobol B TV.
Sinabi ni Remulla na parte-parteng idineposito ang P550,000 sa loob ng tatlong linggo.
"Maraming deposito 'yan within a span of more than two weeks eh, within a three-week period. Parang ganu'n eh, within a 20-day period," saad niya.
Dagdag ni Remulla, lumabas sa ulat ng AMLC na ang pera ay idineposito ng iba't ibang indibidwal.
"Iba-iba 'yan ('yung nag-deposit). Ipapaliwanag 'yan ng NBI sa Lunes kasi alam nila ang mga detalye," anang Justice Secretary.
"'Yan ang bago nating iimbestigahan because it sheds some light into the financial activities within," sabi ni Remulla.
Nasawi sa pamamaril si Percy Lapid, o Percival Mabasa sa tunay na buhay, at host ng online broadcast program na "Percy Lapid Fire" sa DWBL 1242 at columnist para sa Hataw, habang pauwi sa Barangay Talon Dos, Las Piñas City, noong Oktubre 3.
Sumuko si Escorial sa mga awtoridad at umaming siya ang gunman.
Sinabi rin ni Escorial sa pulisya na nakatanggap siya ng P550,000 sa pamamagitan ng bank transfer matapos patayin si Lapid, ayon kay Southern Police District director Police Brigadier General Kirby Kraft.
Sinabi pa ni Escorial na nagmula sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) ang utos na patayin si Lapid at may isang indibidwal mula sa kulungan ang nakipag-ugnayan sa kanila para isagawa ang pagpatay.
Sinabi ni Escorial na ang middleman ay si Cristito Villamor-Palaña o Jun Villamor, na namatay naman sa NBP ilang oras matapos sumuko si Escorial sa mga awtoridad.
Iba pang posibleng akusado
Sinabi ni Remulla nitong Sabado na patuloy ang imbestigasyon para matukoy ang iba pang maaaring sangkot sa planong pagpatay kay Lapid.
"Meron pa kaming sinisimot na may participation dito. Belated na ang pagiging co-accused kasi iimbestigahan pa rin," saad niya.
Sinabi ni Remulla na magsasampa ang NBI ng reklamo sa Lunes laban sa mga posibleng sangkot sa planong pagpaslang sa broadcaster.
Tatayo sa korte ang mga ebidensya
Sinabi pa ng Justice Secretary na naniniwala siyang tatayo sa korte ang mga nakalap nilang ebidensya.
"It is not as perfect as you want it to be. It will hold in court I believe. The standards of reasonable doubt can be met," sabi ni Remulla kung hindi mapasusubalian ang kanilang ebidensya.
"Tahi na 'yan (mga loose ends). Marami na tayong gusto pang malaman pero yung two cases, tahing-tahi na sila. Ano na lang, 'yung degree of criminal liability, diminished liability, tinitingnan natin ang mga anggulo," dagdag niya.
Natanong din si Remulla hinggil sa sinabi ni Escorial sa supplemental affidavit nito na may isang "Bantag" ang nag-utos sa pagpatay kay Lapid, base na rin sa sinabi ni Palaña.
"Hindi ko pa alam. 'Di ko pa nababasa ang kanyang affidavit. I have no personal knowledge of that . Ayokong mag-speculate."
Hindi sinabi ni Escorial kung sino si Bantag ngunit si Gerald Bantag ang director general ng Bureau of Corrections.
Hindi kinumpirma ni Remulla kung kasama ang dating hepe ng BuCor sa mga papangalanan sa reklamong ihahain ng NBI sa Lunes.
"That's up to the NBI. On Monday, malalaman niyo naman (you will find out)," saad niya.
Gayunman, sinabi ni Remulla na dalawang indibidwal na posibleng ituring na mastermind ang maaaring pangalanan sa reklamong isasampa sa Lunes.
"Tingin ko kasama na [makakasuhan]. Dalawang mastermind ang tinitingnan. Maybe two of them would be considered mastermind," ani Remulla.
Hindi masabi ni Remulla kung ano ang posibleng motibo sa pamamaslang.
"Motive, I cannot surmise. Ang alam ko lang, 'yung nangyari talaga, 'yung kinuwento ng testigo. Doon lang tayo magba-base," anang Justice Secretary.
90 to 95% case closed na
Sinabi ni Remulla na maaaring 90 hanggang 95% na "case closed" na ang pagpatay kay Lapid.
"In terms of investigation, it is 90% to 95% (case) closed. It's just a matter of having more details to bring in. Ito talaga, it was the product of good investigative work at saka cooperative work of NBI and police," saad niya.
Sinabi ni Remulla na may iba pang isyu na dapat tingnan, "but as it is now, I think we can lay the matter to rest. Actually on the 30th day noong November 3, nagsarado lahat. Ando'n na lahat ng detalye." —LBG, GMA Integrated News