Bumisita lang umano sa kaniyang mga pinsan at magdiriwang din sana ng kaniyang ika-14 na kaarawan ang isa sa anim na magkakaanak na nasawi sa sunog na naganap sa Navotas kaninang madaling araw.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ni Domingo Elape, punong barangay ng NBBS, Dagat-dagatan, dumating noong Huwebes ng gabi ang nasawing biktima na si Natalia Boiser.
"Ang balak yata ng bata dun siya mag-celebrate ng kaniyang 14th birthday," ayon kay Elape.
Bukod kay Natalia, nasawi rin ang kaniyang mga tiyuhin at tiyahin na mag-asawang Donsito at Reynosa Boiser.
Nasawi rin ang mga anak ng mag-asawa na sina Raymond, 10, Arriana, 3, at Reinna, 2.
Lima pa nilang kamag-anak ang nasugatan sa sunog na naganap dakong 5:00 a.m.
Batay sa kuwento umano ng nakaligtas na kaanak, sinabi ni Elape na nagising ito dahil nakadinig na may sumisigaw na may sunog.
Pero hindi raw nito kaagad napansin na ang kanilang bahay mismo ang nasusunog.
"Nung nakita niya na nag-aapoy na yung kisame nila, kinatok niya yung isang kuwarto na nandoon yung anim katao. Walang nag-response, eh babagsak na yung kisame ang ginawa niya bumaba na siya so naiwan yung anim," sabi ng punong barangay.
Isang nangungupahan din sa bahay ang nakaligtas nang may madinig na kalabog sa ibaba.
Ayon sa Bureau of Fire Protection, nakulong at magkakasama sa kuwarto ang anim na nasawi.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung bakit hindi nakalabas ng kuwarto ang mga nasawi. Pero lumilitaw sa paunang imbestigasyon na sumiklab ang apoy malapit sa pintuan ng kuwato ng mga nasawi na maaaring dahilan kaya hindi na sila nakalabas.
Nag-aalala naman mga awtoridad sa publiko na maglagay ng smoke alarm, magsagawa ng fire drill at ipasuri ang linya ng kanilang kuryente.--FRJ, GMA News