Sumirit sa 7.7% ang bilis ng pagmahal ng mga bilihin at serbisyo, o inflation rate, nitong nagdaang Oktubre. Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ito ang pinakamataas sa nakalipas na 14 na taon.
Noong nakaraang Setyembre, naitala ang inflation rate sa 6.9%, kaya mas mataas ng 0.8% ang inflation nitong Oktubre na 7.7%.
Sa pulong balitaan nitong Biyernes, sinabi ni PSA chief and National Statistician Claire Dennis Mapa, na Disyembre 2008 nang maitala ang 7.8% inflation habang may nagaganap na global financial crisis.
Gayunman, sinabing pasok pa rin sa pagtaya ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang inflation ng Oktubre na nasa 7.1% hanggang 7.9%.
Sa nakalipas na 10 buwan, pumatak ang average inflation sa 5.4%, na pasok pa sa inaasahang 4.5% hanggang 5.5% para buong 2022 ng administrasyon.
“Ang dahilan ng mas mataas na antas ng inflation nitong Oktubre 2022 kaysa noong nakaraang buwan ay ang mas mabilis na pagtaas ng presyo ng Food and Non-Alcoholic Beverages. Ito ay may 9.4% inflation at 80.9% share sa pagtaas ng pangkalahatang inflation sa bansa,” paliwanag ni Mapa.
Bukod sa mga bilihin, naging dahilan din umano ng pagtaas ng inflation ang restaurants and accommodation services, maging ang mahal na presyo ng mga produktong petrolyo, kuryente, transportasyon, at iba pa nitong Oktubre.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng National Economic and Development Authority (NEDA), na ang pagtaas ng inflation ay epekto ng mga nangyayari sa labas ng bansa gaya ng patuloy na sigalot ng Russia at Ukraine, at mga lockdown sa China, na nakakaapekto sa global supply chains.
Nakaapekto rin umano ang mga naranasang bagyo sa bansa, partikular ang bagyong Karding noong Setyembre.--FRJ, GMA News