Hindi naitago ni Senador Cynthia Villar ang labis na pagkainis sa isang opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) kaugnay sa isang reclamation project sa Cavite na maaari umanong pagmulan ng matinding pagbaha.
Sa pagdinig ng panukalang P23-billion budget ng DENR para sa 2023, naging sentro ng galit ni Villar si Environmental Management Bureau (EMB) director William Cuñado, nang hindi nito masabi ang mga lugar sa Cavite na tatamaan ng reclamation project.
“T—ina 'to. Ano 'yung coastal road? I-enumerate mo anong bayan sa Cavite,” sabi ng senadora.
Ayon kay Cuñado, aabot sa 846 hektarya ang masasakop ng proyekto. Pero hindi pa rin niya masabi ang mga masasakop na lugar.
“Ako huwag niyong gagawin sa akin 'yan. T—ina niyo. Dumating ka dito galing ka sa Cebu, ginulo mo kaming lahat. Ilista mo sa akin ano ‘yang coastal road na 'yan, hindi namin alam 'yan,” giit ng senadora.
Ayon kay Villar, pinayuhan siya noong 2015 ni dating Public Works Secretary Rogelio Singson na huwag hayaang maipatupad ang naturang proyekto dahil maaari itong maging sanhi ng patinding pagbaha. Dagdag niya, apat na ilog umano ang maaapektuhan ng proyekto.
Napag-alaman na nagiging sensitibo si Villar sa naturang usapin dahil sa isang dekada umano ang ginugol niya para malinis ang ilog na tatamaan ng proyekto.
“It took me 10 years to clean my river so that there [would] be no flooding, tapos sasarhan niyo daanan ng river ko, ano ba yan. It took me 10 years to do that from 2013 to 2021, 30 kilometers of river,” paliwanag niya.
Dating kongresista si Villar ng Las Piñas City, na kalapit ng Bacoor.
Sinabi pa ni Villar, na kinansela na ang Environmental Compliance Certificate (ECC) para sa proyekto pero muling binuhay.
“That is a protected area, legislated protected area, and this is entitled to a buffer zone. Bakit mo ire-reclaim ang buffer zone?” tanong niya.
Sinabi naman ni DENR Undersecretary Jonas Leones na naglalabas ang DENR ng ECC pero ang Philippine Reclamation Authority (PRA) at Office of the President umano ang may huling pasya kung itutuloy ang proyekto.
Hinala ni Villar na may sangkot na katiwalian sa muling pagsusulong ng reclamation project.
“I talked to President [Noynoy] Aquino during his time, I talked to President [Rodrigo] Duterte during his time. Hindi alam ng mga presidente 'yan. Di ba sinabi President [Duterte] ayoko niyang reclamation kasi it’s source of corruption. So yun ang reason, corruption,” sabi ni Villar.
Nangako naman si DENR Secretary Ma. Antonia Yulo Loyzaga, na susuriin niya ang patakaran sa reclamation project.
“Under this present administration, we will be looking carefully at the reclamation policy as a whole and we realized there is a need for very strong science because of the implication,” ayon sa kalihim. —FRJ, GMA News