Nanawagan ang ina ng batang babaeng aksidenteng natusok ng lapis ang mata sa Las Piñas City para sa tulong, lalo na ang eye donor para sa kakailanganing operasyon.

Sa panayam sa kaniya ng “Unang Hirit”  nitong Miyerkoles, sinabi ni Ramela Gacoscosin, ina ni Almira, na naglalaro noon ang batang pinsan niya at isa pang kalaro nito nang mabato ng kaniyang pinsan ang lapis.  

Kasalukuyang nasa ospital ngayon ang batang si Almira at pinagpa-fasting dahil posibleng matuloy ang kaniyang operasyon nitong Miyerkoles.

Sa ngayon, wala pa raw donor para kay Almira.

"Kakayurin po ang mata niya na naapektuhan, kasi hindi na raw po talaga makakita. Pansamantala lalagyan muna ng laman para pumantay lang sa kabilang mata niya. Para daw po kahit nakapikit pantay daw po 'yung sukat ng mata niya sa kabilang mata niya," sabi ni Gacoscosin.

Dahil dito, nangangailangan ng transplant si Almira.

"Nananawagan po ako na sana may mabubuting puso po na tumulong sa anak ko. Sana po talaga ay tumulong kasi po hindi rin po kasi namin kaya 'yung gastusin," panawagan ni Gacoscosin sa publiko.

"Masyado pa po kasing bata 'yung anak ko para hindi na siya makakita," dagdag pa niya.

Kuwento ng tiyuhin ng bata na si John Paul Albareda, kalong ng lola ang batang si Almira sa tapat ng kanilang bahay nang biglang tamaan ng lapis ang mata nito.

Para sa mga gustong tumulong, maaari itong ipaabot kay:

Glen Mendoza: 09651235501

VBL, GMA News