Nasawi ang isang construction worker, habang sampung iba pa ang nasugatan makaraang bumigay ang scaffolding sa ginagawang housing project ng lokal na pamahalaan ng Quezon City sa Barangay Balingasa nitong Martes ng umaga.
Kinilala ng La Loma Police Station, ang nasawi na si Francis Anzures. Isinugod din sa ospital ang 10 pang trabahador na nasugatan.
Batay sa pahayag ng mga manggagawa, sinabi ng pulisya na bumigay ang inilalagay na scaffolding sa construction site at nabagsakan ang mga biktima.
Sa isang pahayag, nagpahayag ng kalungkutan ang Quezon City government sa nangyaring sakuna.
Lima umano sa 10 nasugatan ang nakalabas na ng ospital. Nagpaabot na umano ng tulong sa mga manggagawa ang private contractor ng proyekto.
Inatasan din ng lokal na pamahalaan ang kinauukulang ahensiya nila na tulungan ang pamilya ng nasawi at mga nasaktan.
“The City Architect and Infrastructure Committee of the city government have extensively inspected the site and its surroundings,” ayon sa QC-LGU.
“A thorough investigation is underway to determine if there were lapses in the observance of standard construction procedures, and to recommend measures to ensure that such untoward incidents will not happen again in the future,” dagdag nito. — FRJ, GMA News