Nauwi sa panunugod, panduduro at sakitan ang dalawang jeepney driver matapos magkagitgitan ang minamaneho nilang modern jeep at tradisyunal na jeep sa kalsada.
Sa ulat ni Mariz Umali sa Unang Balita nitong Biyernes, mapapanood sa isang viral video ang panunugod ng tsuper na nakaberdeng polo shirt.
Dinuro niya ang tsuper ng tradisyunal na jeep at inambahan gamit ang payong.
Nagpapatulong ang uploader ng video sa Facebook na mahanap ang nanugod na tsuper.
Ayon sa kaniyang post, nanghingi ng bayad ang nakaberdeng lalaki sa gasgas na siya rin umano ang gumawa matapos nitong manakit at manggitgit.
Iniimbestigahan ngayon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang video.
Kinilala ang lalaking nanugod sa video bilang si Roderick Pinpin, driver ng Metro Comet modern jeep.
"Nasa lane po ako eh, lumusot siya, kinat (cut) ako. Binibitbit niya akong pilit sa kanan. Nagkagirian po kami hanggang sa nasabit niya po ito (gasgas), 'yan nga po ang tama," sabi ni Pinpin, na ipinakita ang gasgas na dulot ng jeep.
Mapapanood sa video na nakuha ng kaniyang konduktor na binangga ng tradisyunal na jeep ang kanilang likuran, kaya bumaba si Pinpin para kausapin at papanagutin ang bumanggang driver.
"Tinitingan ko po kung bababa siya. Pagbukas po niya ng pinto, may hawak po siyang tubo. Noong nakita ko na 'yung hawak na tubo, kumuha rin ako ng panalag. Kung sakaling magpang-abot kami, meron akong panalag. Bumalik siya sa jeep, doon ko na po siya sinugod dahil nga po ayaw niyang makipag-usap nang maayos sa akin tungkol dito sa sinabit niya," sabi ni Pinpin.
Sinusubukan pa ng GMA News na hanapin at kunin ang pahayag ng tsuper ng tradisyunal na jeep at ang babaeng sumisigaw sa video.
Umamin si Pinpin na hindi tama ang ginawa niyang panunugod. Sinuspinde rin muna siya ng pinagtatrabahuhan niyang kumpanya.
"Hindi namin tino-tolerate 'yan kasi hindi 'yan 'yung dapat maging asal ng isang driver," sabi ni Ed Comia, Chairman ng Metro Comet Transport Service Cooperative.
Nag-issue ang LTFRB ng show cause order at magtatakda sila ng pagdinig para pagharapin at pagpaliwanagin ang dalawang driver na sangkot sa insidente.
Dapat din itong masagot ng parehong panig sa loob ng lima hanggang pitong araw.
"Hindi natin iko-condone 'yan. Walang lugar ang violence, pambabastos sa ating kalsada, lalong lalo na sa ating mga public transport groups at operators," sabi ni Atty. Cheloy Garafil, Chairperson ng LTFRB. —LBG, GMA News