Pinatulog ng boxing icon na si Floyd Mayweather Jr. ang mga alingasngas na posibleng magkaharap muli sila sa ring ng Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao.
Sa kaniyang pagbisita muli sa Pilipinas na itinuturing niyang "adoptive home," sinabi ni Mayweather na hindi na niya lalabanan muli si Pacquiao.
"I've already had my hard fights from 1987 to 2017. Now everything is just entertaining people and just having fun," ayon kay Mayweather.
Taong 2015 nang maglaban ang dalawa at nanalo si Mayweather.
Umugong ang posibleng rematch nang magkita at magpakuha ng larawan ang dalawa habang nasa Japan, kung saan idinaos ang isa na namang exhibition figth ni Mayweather, na pinanood ni Pacquiao.
Gayunman, puro magagandang salita ang binitawan ni Mayweather tungkol kay Pacquiao, na tinawag niyang great guy at champion.
"He's such a great guy, such a great champion. He represent the Filipino culture like none other," sabi ni Mayweather.
"So I have to take my hand down to Manny Pacquiao, great guy, unbelievable athlete," dagdag niya.
Sa ngayon, nais lang daw ni Mayweather na mag-enjoy at magbigay ng kasiyahan sa pamamagitan ng mga exhibition match na ginagawa niya sa iba't ibang bansa.--FRJ, GMA News