Arestado sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang American national dahil sa halos P20 milyong halaga ng umano'y cocaine na nakita sa kaniyang bagahe. Ang suspek, nagpakilalang asawa ng isang sikat na Hollywood actress.

Sa ulat ni Nico Waje sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, kinilala ang suspek na si Stephen Joseph Szuhar, 75-anyos, at nagpakilalang asawa raw siya ni Charlize Theron.

Unang pagkakataon ni Szuhar na bumiyahe sa Pilipinas. Galing ang suspek sa Brazil na may connecting flight sa Doha, Qatar, at pupunta raw sa isang bangko sa Maynila.

Inabangan ng mga operatiba ng NAIA Inter Agency Drug Interdiction Task Group ang suspek nitong Martes ng gabi dahil sa nakuha nilang "tip."

Nakuha umano sa maleta ni Szuhar ang mahigit tatlong kilo ng pinaniniwalaang cocaine na tinatayang nagkakahalaga ng P19.6 milyon.

"Nagsimula po ito sa isang intelligence information na galing sa ating counterparts po na wherein a certain individual po ay magdadala ng undetermined amount ng illegal drugs dito," sabi ni IA3 Gerald Javier, deputy task group commander of the task group.

Itinanggi naman ng suspek na sa kaniya ang ilegal na droga. Posible umanong may ibang naglagay ng droga sa kaniyang bagahe nang hindi niya nalalaman.

Paliwanag pa niya, may nagpadala lang ng suitcase na naglalaman ng mga damit para sa isang presidente ng bangko sa Pilipinas. Hindi na raw niya inalam ang laman ng maleta.

"The bank in Brazil told me they were going to send some clothes to the bank here in Manila," ayon sa suspek.

Giit pa niya, dati siyang presidente ng casino sa Amerika. Mayaman umano siya kaya hindi niya kailangang magbenta ng ilegal na droga.

"I don't need to sell cocaine. I have $600 million of my own in my life and about 400 million. We don't need money to sell cocaine, believe me," katwiran niya.

Inaalam ng mga awtoridad kung may kinabibilangang sindikato ng ilegal na droga ang suspek.--FRJ, GMA News