Hindi umubra sa kamao ni dating five-division champion Floyd Mayweather Jr. ang Japanese mixed martial arts fighter na nakaharap niya sa exhibition match. Matapos ang laban, umugong naman ang posibleng paghaharap muli nina Mayweather at eight-division champion Manny Pacquiao.
Sa laban nitong Linggo sa Saitama Super Arena sa Japan, tinapos ni Mayweather sa round two ang laban nila ni Mikuru Asakura, na sinaksihan mismo ni Pacquiao.
Bagaman tumanggap din ng mga suntok ni Asakura, isang matinding right hand ang pinakawalan ni Mayweather na nagpatigil sa bangis ng Japanese fighter.
"I'm just happy to be here. I'm happy that we were able to give the fans excitement tonight. Thanks for having me," sabi ni Mayweather.
"I'll be back," pahabol niya.
Kasama ni Pacquiao ang asawang si Jinkee sa panonood ng laban ni Mayweather. Nagpakuha pa ng larawan na magkasama sina Mayweather at Pacquiao.
Unang nagsagupa sa ibabaw ng ring ang dalawa noong 2015 kung saan nanalo via unanimous decision si Mayweather. May mga naniniwala na dapat na si Pacquiao ang nanalo dahil sa mas naging agrisibo ito sa laban.
Ang naturang laban ng dalawa ay sinasabing gumawa ng kasaysayan sa boxing pagdating sa usapin ng kita.
Nagretiro si Mayweather sa pro boxing matapos niyang talunin si Conor McGregor noong 2017. Mula noon, ilang beses na siyang sumabak sa exhibition fight.
Samantala, nagretiro si Pacquiao sa pro boxing noong 2021 matapos na matalo kay Yordenis Ugas, at tumakbong presidente ng bansa.
Nakatakda na ring sumabak sa exhibition match si Pacquiao sa Disyembre laban kay South Korean martial artist DK Yoo, at sa dati niyang sparring partner na si Jaber Zayani sa Pebrero 2023.—FRJ, GMA News