Nasakote sa mismong Central Office ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang isang lalaki na ilang beses na umanong nakakuha ng pinansiyal na tulong sa tanggapan gamit ang pekeng pangalan at mga dokumento. Ang suspek, sinabing dumaan siya sa tamang proseso.

Ayon kay DSWD Assistant Secretary for Special Projects Romel Lopez, naaresto ang suspek sa entrapment operation sa kanilang Central Office noong Setyembre 16 matapos na tanggapin ang P3,500 na medical assistance.

Nang muling humingi umano ng tulong pinansiyal ang suspek, nagpakita muli siya ng identification cards at iba pang dokumento. Sa pagsusuri, lumitaw na ang larawan sa ID ay nagamit na sa iba pang transaksyon na may ibang pangalan.

“Supposedly nakakuha siya ng P3,500 na medical assistance, ‘yun nga lang dinampot na siya ng mga awtoridad. Di naman tumanggi ang suspek at nagawa lang niya dahil sa pangangailangan," pahayag ni Lopez sa media briefing nitong Lunes.

"Pero just the same, di naman iyon ang tamang gawain dahil ang medical assistance ay nilalaan natin sa mga nangangailangang mga kababayan,” dagdag ng opisyal.

“Sa aming investigation, ito ‘yung pang-sampung beses na ginawa niya ito. Pitong beses na ginawa na niya sa NCR field office and dito nakadalawa na siya, ito na yung pangatlo,” ayon pa kay Lopez.

Sinabi rin ni Lopez na inaalam ng mga awtoridad ang iba pang posibleng kasabwat ng suspek.

“Ito po ay paalala din sa ating mga kababayan na nagnanais na gumawa ng kalokohan, paglaruan ang pera ang mga programa ng gobyerno. Ang DSWD ay nakatutok sa mga programa, una para mapabilis ito," paalala ni Lopez.

"Mapadali ang pag-a-avail ng mga kababayan pero ang aming warning sa kanila, kami ay nakatutok sa aming mga programa para masiguro na ito ay mapunta sa intended beneficiaries,” dagdag niya.

“Ito ang ating paghihigpit na ginagawa, kaya paalala po wag na po nila subukan dahil siguradong may kalalagay na sila ngayon,” babala pa ni Lopez.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras," kinilala ang suspek na si Alexander Diaz, na aminado na naisip lang niyang mag-isa ang kaniyang ginawa dahil sa pangangailangan.

"Ang inaano ko naman po dumadaan ako sa proseso. Parang hindi naman ako gumagawa ng parang mga ano ginagawa ng iba na magnakaw. Ano lang humihingi lang ako," paliwanag niya.

Mahaharap ang suspek sa mga reklamong estafa, swindling at falsification of public documents, ayon kay Lopez. —FRJ, GMA News