Nalagay sa bingit ng kamatayan ang isang mag-ina nang biglang gumuho ang isang lumang gusali habang dumadaan sila sa isang eskenita sa Ludhiana, Pujab sa India. Makaligtas kaya sila? Alamin.
Ayon sa GMA Integrated Newsfeed, iniulat ng local media sa India na 100 taon na ang bumagsak na gusali.
Bago pa ang insidente, may mga parte na raw ng gusali ang bumabagsak, at gumagilid na ito kaya pinalikas na ang mga nakatira sa paligid noong katapusan ng Setyembre.
Ang ina may kargang anak na dalawang-taong-gulang, napadaan lang sa lugar nang tuluyang bumigay ang gusali.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita na kumaripas siya ng takbo, at ang isang lalaki na nasa kaniyang unahan.
Pero inabot pa rin siya ng daluyong ng mga tipak ng bato at iba pang debris na dahilan upang matumba ang babae at nilamon silang mag-ina ng makapal na alikabok.
Bagaman nagtamo ng injuries, sa kabutihang palad, nakatayo pa rin ang ginang at hawak pa rin niya ang anak.
Ligtas silang nakalayo sa lugar ng trahediya. --FRJ, GMA Integrated News