Nabisto ng mga awtoridad ang isang rider na miyembro pala ng isang robbery at carnapping group, nang sitahin siya dahil sa walang suot na helmet.
Sa ulat sa Unang Balita nitong Miyerkules ni Nico Waje, sinabing inaresto ang suspek sa Estrella St., Barangay Guadalupe Nuevo, Makati City.
Napag-alaman ng mga awtoridad na miyembro ng Joshua-Factura Robbery and Carnapping Group ang suspek.
Ayon sa Makati Police, nasita ang suspek dahil sa isinagawang "Oplan Sita" dahil wala siyang suot na helmet.
At nang i-check ng mga pulis ang hawak na bag ng lalaki, tumambad ang isang kalibre .38 na baril. Wala umanong naipakitang ID ang lalaki.
Pero nang imbestigahan, lumalabas isa siyang miyembro ng grupong nagnanakaw ng mga motorsiklo sa Makati at sa mga kalapit na siyudad.
Nadiskubre rin na nakaw ang gamit niyang motor.
Batay sa imbestigayon ng mga pulis, 13 ang miyembro ng naturang robbery-carnap group na kinabibilangan ng suspek, at umabot na sa 11 ang nahuli, kabilang na ang pinakalider nila. Pinaghahanap pa ang dalawang miyembro ng grupo. —LBG, GMA News