Makaraang ipawalang-sala ng Korte Suprema at palayain, nagwakas ang bangungot ng isang mag-asawa na 11 taong nakulong dahil sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing kabilang ang magkabiyak na Jose Nala at Tessie Clavejo, sa 371 persons deprived of liberty o PDL na pinalaya mula sa iba't ibang piitan ngayong araw ng Bureau Correction (BuCor), na kaarawan din ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.

"Masayang-masaya dahil makasabay na kaming mag-asawa, magkasasama na pamilya naming mabubuo," ayon kay Clavejo.

Sabi naman ni Nala, "Masama ang loob pero okey na ito, nakalaya na eh. Nagising ka sa bangungot."

Nakalaya rin ang 79-anyos na si "Pedro," na 23 taon na nakulong dahil sa kasong pagpatay.

Kabilang naman si Pedro sa mga PDL na nabigyan ng parole.

Ang raw niyang gagawin pag-uwi sa kaniyang pamilya ay puntahan ang puntod ng kaniyang asawa na pumanaw habang nakapiit siya noong 2017.

Bukod sa mag-asawang Nala at Clavejo, mayroon pang 29 na iba pang PDL ang nakalaya matapos mapawalang-sala ng SC.

Umabot naman sa 98 nabigyan ng parole, dalawa ang nakatanggap ng probation at 240 ang natapos na ang sentensiya at makaraang bawasan ang taon ng kanilang pagkakakulong bunga ng ipinakitang magandang asal sa loob ng piitan.

Mensahe ni Undersecreatry Gerald Bantag ng BuCor sa mga lumaya, "Sana 'wag na tayong magkita pang muli. Sasabihin niyo ayaw ko nang bumalik sa BuCor kasi ito ang tinatawag na libingan ng mga buhay."

Ayon sa BuCor, ang 371 na bilang ang pinakamaraming napalayang PDL sa loob lang ng isang araw.

Mayroon pa umanong 350 na pangalan ng PDL ang inirekomenda sa Palasyo na mabigyan ng executive clemency para makalaya na rin.

Inatasan naman ni Justice Secretary Crispin Remulla ang Public Attorney's Office na tutukan ang kaso ng mga PDL na kalipikado nang lumaya.--FRJ, GMA News