Nadakip na ang dalawang suspek sa pagpatay sa isang lalaki na tubong-Caloocan City na ilang araw na nawala bago nakita ang bangkay na ibinaon sa lupa at isinemento sa Concepcion, Tarlac. Ang isa sa mga suspek, kababata at kaibigan ng biktima.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, kinilala ang mga suspek na sina John Jeffrey Ello at Roger Berlos.

Si Ello ang kaibigan at pinagkakatiwalaan ng biktimang si Jess Camero, isang online seller.

Ayon kay Caloocan City Police chief Police Colonel Samuel Mina, sinabi umano ng mga suspek na pagnanakaw lang sana ang pakay nila sa biktima.

“Supposedly ang intensyon ay pagnakawan lang. Eh along the way sabi nga nila, napatay nila yung biktima so yung accounting natin, more or less 600,000 (pesos) yung nawawalang pera, aside sa mga gadgets, jewelry saka yung sasakyan niya,” sabi ni Mina.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, nakakuha sila ng kopya ng CCTV noong umaga ng Agosto 1, na makikita ang dalawang suspek na may malaking kahon na ikinakarga sa sasakyan.

Lumitaw na katawan ng biktima ang laman ng kahon na inilibing sa isang bakanteng lote sa Barangay Santa Rosa sa Concepcion, Tarlac, ilang linggo makaraang iulat na nawawala si Camero.

Nang makita ang bangkay, may mga sugat ito sa katawan at sa mukha.

Inamin umano ni Ello na hinataw niya ng bote sa mukha ang biktima na dahilan para masugatan din ang kamay niya.

“Laking pagsisisi ko dahil kababata ho siya dahil ako yung pinagkakatiwalaan niya sa lahat ng bagay,” ani Ello.

Sinabi naman ni Berlos na isinemento nila ang pinaglibingan sa biktima dahil mababaw lang ang nagawa nilang hukay upang hindi mangamoy.

“Sabi niya sa 'kin na pare 'wag kang mag-alala kasi matagal niyang pinag-isipan ‘to na mga plano. Sabi niya matagal na niya gustong patayin yung kaibigan niya,” ani Berlos.

Una rito, nakipag-ugnayan ang Caloocan police sa Concepcion police nang makakuha sila ng impormasyon sa kanilang "person of interest" kung saan nakalibing ang biktima.

Pinuntahan ng mga pulis ng Concepcion ang sinabing lugar at tumambad ang bangkay ng biktima.—FRJ, GMA News