Dismayado si Basilan Representatives Mujiv Hataman sa malaking tapyas sa pondo para sa infrastructure projects na inilaan sa Mindanao sa ilalim ng 2023 proposed budget ng pamahalaan.
Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ni Hataman na hiniling na niya at ng iba pang Mindanao solons sa Committee on Mindanao Affairs, na ipatawag ang mga opisyal ng Department of Budget and Management at National Economic and Development Authority, para hingan ng paliwanag sa malaking natapyas na pondo sa Mindanao na nakalaan sa infrastructure projects.
“Gusto sana namin malaman kung anong mga lugar, imprastruktura o anong mga programa ang nabawasan. Baka mamaya napakahalaga nito at contributory sa pag-sustain ng kapayapaan sa Mindanao. Dahil ngayong may kapayapaang tinatamasa, kailangang humabol ng Mindanao in terms of progress and development,” ani Hataman, dating governor ng autonomous region na tinatawag na ngayong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
“Siyempre, mahalaga dito ang imprastruktura: mga kongkretong daan para sa komersyo, farm-to-market roads para sa mga bukid, mga gusali at paaralan para sa serbisyo sa mamamayan, at marami pang iba,” patuloy niya.
Ayon kay Hataman, base sa National Expenditure Program (NEP) na isinumite sa Kongreso, umaabot lang sa P30.49 bilyon ang pondo para sa infrastructure outlay sa 2023.
Lubha itong maliit kumpara sa inilaan noon 2021 na P47.2 bilyon, at ngayong 2022 ay umaabot sa P84.69 bilyon, o P54.2 bilyon ang ibinaba sa 2023.
"Nitong mga nakaraang taon, malaki ang pondong inilaan para sa imprastruktura sa Mindanao. Kaya nalungkot kami nang nakita namin ang Mindanao budget sa bagong panukala, ang laki-laki nang nabawas,” nadidismayang pahayag ni Hataman.
“Kung hindi kayang ibalik yung dati, baka maaaring huwag naman kaltasan ng napakalaki ang pondo ng Mindanao. Alam naman nating napag-iwanan ang Mindanao sa pag-unlad dahil sa dekadang digmaan at kaguluhan na pinagdaanan nito,” hiling niya. --FRJ, GMA News