Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang isang taong moratorium sa annual amortization at interest payments ng mga benepisyado ng agrarian reform program.
Nitong Martes, sinabi ng Department of Agrarian Reform (DAR), na ang executive order tungkol sa moratorium ay bahagi ng pangako ni Marcos para tulungan ang mga benepisyado ng repormang pang-agraryo.
Nauna nang hiniling ni Marcos sa Kongreso na magpasa ng batas para sa saluhin ang mga utang sa ARBs kaugnay sa mga hindi nababayarang amortization at interest ng mga benepisyado.
"We always think about the farmers’ welfare. The one-year moratorium and condonation of farmers’ loan payments will lead to the freedom of farmers from debts," ayon sa pahayag ni DAR Secretary Conrado Estrella III.
Naniniwala ang DAR na magagamit ng mga magsasaka sa iba nilang pangangailangan sa taniman ang perang ilalaan na pambayad sa kanilang utang.
Sa isang Cabinet meetings noong nakaraang buwan, tinalakay ni Marcos sa kaniyang opisyal ang paghahanap ng paraan kung papaano matutulungan ng gobyerno ang mga agrarian reform beneficiary.
Kabilang sa mga hakbang na napag-usapan ang pagsalo sa pagbabayad sa amortization fees at interest sa ARB loans, pati na ang pagkakaloob sa kanilang tulong legal sa mga lupaing may problema.—FRJ, GMA News