Sumugod ang mga tauhan ng Special Weapons and Tactics ng Quezon City Police District sa isang residential building sa Quezon Avenue nitong Lunes ng gabi matapos silang makatanggap ng reklamo na may nagpaputok umano ng baril sa lugar.
Ayon sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita," pinangunahan ni QCPD director Police Brigadier General Nicolas Torre III, ang negosasyon ng operasyon.
Nang hindi lumabas ang suspek, pinuntahan na ng mga pulis ang isang unit sa ikatlong palapag ng gusali.
Matapos ang ilang minuto mapayapa naman sumuko ang suspek.
Ayon sa pulisya, dakong 8:23 p.m. nang tumawag ang mga tauhan ng barangay para i-report na nakarinig sila ng isang putok ng baril sa lugar.
“Dahil nga nag-barricade ang ating suspek tapos na background din ng ating first responders na totoong maraming baril, may mahaba pa at saka maraming pistol. Siyempre tinitingnan natin ‘yung mental stability ng suspek… ang laging presumption natin diyan ay worst-case scenario ‘yung ating mga tactical units,” ani QCPD deputy district director for operations Police Colonel Redrico Maranan.
Lumalabas sa imbestigasyon ng QCPD, na bago pa man magpaputok ng baril may ilang kabataan umano ang nagbi-video sa parking area at nasagi ang sasakyan ng suspek.
“Nasagi ang kanyang sasakyan. So nagalit siya kaya siya nagpaputok. Nu’ng nagpaputok siya doon nag-decide ‘yung mga witness na mag-report sa barangay. Ang barangay ang nag-report sa pulis,” sabi ni Masambong Police Station commander Police Lieutenant Colonel Imelda Reyes.
Samantala, nakuha sa suspek ang isang shotgun, tatlong caliber .45, isang caliber .40 at mga bala ng baril.
“Titingnan natin ngayon kung ang kaniyang mga baril ay may lisensya at kung walang lisensya ang mga ito mayroon na naman siyang kaso sa illegal possession,” sabi ni Torre III.
“Medyo sinasabi niya na accidental firing lang at sinasabi niya na hindi naman niya sinasadya,” dagdag ng opisyal.
Hindi na nagbigay ng pahayag suspek, na nahaharap sa reklamong alarm and scandal.
Wala naman naulat na nasaktan sa insidente.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA News