Sa kulungan ang bagsak ng isang tricycle driver dahil sa anim na taon na umanong pangmomolestiya at panggagahasa sa isang 12-anyos na batang babae sa Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, sinabing dinakip ang suspek ng mga opisyal ng Barangay E. Rodriguez sa lungsod.
Kuwento ng ama ng biktima, dating nagtatrabaho sa kanilang karinderya ang suspek, pero pinaalis niya noong Mayo dahil din sa ginagawang kahalayan umano sa mga tindera.
"Pinaalis ko 'yan kasi nga 'yung mga tindera ko sinisilipan niya. Isa o dalawang buwan nakabalik sa amin. Hindi ko alam kung sino ang nagpabalik sa kaniya," sabi ng ama ng biktima.
Walang alam ang ama sa anim na taon na palang paggawa ng kahalayan ng suspek sa kaniyang anak.
Nagawang magsumbong ng bata sa kaniyang guro nang magsimula ang kanilang face-to-face classes.
Ang guro ang nag-ulat sa barangay hinggil sa insidente kaya isinagawa ang imbestigasyon.
"Six years old pa lang daw. Eh ngayon 12 years old na. Six years na ganu'n ang ginagawa. Inaaktuhan niyang tulog ang mga anak, tapos tatakutin niya 'yung bata na papatayin daw ang pamilya niya just in case na magsumbong," ani Barangay Captain Marciano Buena Agua Jr. ng Barangay E. Rodriguez ng Quezon City.
Nakumpirmang ginahasa ang bata base sa medical examination nito.
"Hindi ko naman akalain na gagawin niya sa akin ito. Na-confine siya sa ospital, wala po siyang kamag-anak na lumalapit. Ako po ang sumalo sa lahat ng responsibilidad," anang ama ng biktima.
Depensa ng suspek na nahaharap sa mga kasong acts of lasciviousness at rape, nabigla lang siguro siya. —Jamil Santos/KG, GMA News