Inireklamo ang isang lasing na lalaki na nanutok umano ng baril sa kanyang kainuman sa Quezon City.
Iniulat ni James Agustin sa Unang Balita na lasing na lasing pa nang arestuhin ng mga pulis si Crisanto Paredez sa Barangay Gulod, Novaliches kagabi.
Nangyari ang pag-aresto matapos siyang ireklamo ng panunutok umano ng baril sa kainuman.
Kuwento ng kainuman na si Bernardo Mabato, nagulat na lamang siya nang uminit ang ulo ni Paredez hinggil sa galit niya sa isang tao na gusto umano nitong kausapin sa oras na iyon.
Matapos mapagsabihan ni Bernardo, umalis na galit na galit si Crisanto at kumuha ng baril.
Nang makabalik ito, bigla na lamang umanong itinutok kay Bernardo ang baril.
Sa sobrang takot, nagtatakbo si Bernardo, na agad na nakahingi ng tulong sa mga pulis at hinuli si Chrisanto.
Nakuha mula sa suspek ang isang kalibre .45 na baril na kargado ng mga bala.
Pero giit ni Crisanto, wala siyang baril at wala siyang kakayahang bumili ng baril, at itinanggi rin niyang tinutukan niya ng baril si Bernardo.
Dinala sa Quezon City Police District Station 4 ang suspek na mahaharap sa mga reklamong illegal possession of firearm, alarm and scandal, at grave threat. —LBG, GMA News